Mainit-init na paalaala para sa Fire Prevention Month

Noong mga panahon kuweba at gubat pa ang tirahan ng karamihan ng tao, ang pag-diskubre ng apoy at, pagtagal, ang mga paraan ng pagsindi ng apoy ang siyang nasa isip ng mga mamamayan. Walang pangangailangan para sa tulad ng “Fire Prevention Month” noon, pero malaki at marami na ang mga pagbabago sa buhay ng tao.

Ang buwan ng Marso ay Fire Prevention Month kung kaya’t nagkakaroon ng mga programa at paalaala tungkol sa halaga ng seguridad laban sa sunog.

Nagkaroon ng pagkakataon ang Tapat na makausap ang isang taga-Bureau of Fire Protection national headquarters na si Fire Officer 2 Laurence Firmanes. Binigyan niya kami ng ilang tips para makaiwas sa sunog. Ilan dito ay ang maingat na pagsusuri ng mga binibiling electrical appliances at ang maingat na pagpili ng mga electrician na magsusuri ng mga electrical wire sa inyong bahay.

“Pag bibili kayo ng electrical appliances, dapat mayroon nakalagay na seal ng ICC. And seal na ito ang nagpapatunay na ang binibili niyong appliances ay nasuri ng DTI,” sabi ni Firmanes.

“Huwag kayong magtitiwala sa mga hindi lisensyadong electrician para lang makatipid, “dagdag pa niya, “dahil ang paggamit ng mababang klase ng materyales ay puwedeng maging sanhi ng ikasusunog ng iyong bahay.”

Ito pa ang ilang mga karagdagang mahalagang tips upang makaiwas sa sunog:

1. Suriing mabuti ang mga iba’t ibang gamit sa loob ng bahay na may malaking posibilidad na pagmulan ng sunog. Isa dito ay ang electrical wires – ang pangunahing pinagmumulan ng sunog. Mabuti na ang manigurado – kumuha ng electrician para suriin ito. Isa pang kailangang bigyang pansin ay ang LPG o liquified petroleum gas. Huwag mapanatag na maglagay sa bahay ng tangke ng LPG na panay kalawang dahil ito ay may malaking posibilidad na sumabog at pagmulan ng sunog. Ugaliing bumili sa mga subok na dealer para sa inyong seguridad.

2. Huwag mag-iwan ng nakabukas na apoy ng walang magbabantay nito. Kung kailangan mo talagang iwanan ang iyong niluluto, puwede namang patayin muna ang apoy o kaya’y hinaan ito kung saglit ka lang aalis. Tatagal nga ang pagluluto mo, pero mas mahalaga naman ang seguridad ng pamilya mo.

3. Iwasan ang mahiga ng may hawak na nakasinding sigarilyo. Alam naman nating nakaka-engganyong matulog basta’t nakahiga, at kung ‘yan nga ang mangyari, baka mahulog pa ang sigarilyong nakaipit sa mga daliri o kaya madikit sa anumang madaling kapitan ng apoy. Kaya kung pagod na at gusto nang matulog, mabuti ay patayin mo na muna ang iyong sigarilyo sa ash tray o kaya ay ubusin mo na muna bago ka pumwesto sa hihigaan mo.

4. Mag-ingat sa mga nakasinding kandila o gasera – isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng sunog. Ilagay sa hindi abot o matatabig ng mga bata o alagang hayop. Kung kailangan mong umalis, patayin muna ang apoy, at sindihan nalang muli sa iyong pagbalik.

5. Itago sa wastong lugar ang mga bagay na madaling magliyab, tulad ng alkohol, gasolina at pintura. Ilagay ang mga ito sa lugar na kung saan hindi mabibilad sa araw at sa bahagi ng bahay na kung saan hindi labis na nagiging mainit. Isang mabuting gawin ay ilagay sa labas ng bahay ngunit may lilim.

You May Also Like