Magtuluy-tuloy na sana ang Pag-unlad sa ARMM

 

BILYUN-BILYON ang pondong inilalaan taun-taon ng pambansang pamahalaan sa Autonomous Region of Muslim Mindanao (ARMM), ngunit hanggang ngayong 2016 ay isa sa mga pinakamahirap na mga Pilipino ang mga naninirahan sa nabanggit na rehiyon.

Ang inilaan ng pamahalaan para ngayong 2016 ay P29.4 Bilyon mula sa P10.4 Bilyon noong 2010.

Kitang-kita na napakalaki ng inilaki ng pondo, ngunit  napakahirap pa rin ang kalagayan ng mga residente sa ARMM.

Paano at saan-saan kaya ginamit ang bilyun-bilyong pera ng mamamayan simula noong 2010 hanggang ngayon?

Para sa susunod na taon ay P40.5 Bilyon ang ilalaan ng pamahalaan.

Nitong Oktubre 29, nagtungo mismo si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa ARMM kung saan inilunsad ang Comprehensive and Reform Development Agenda (CRDA) na may layuning paunlarin ang ekonomiya at buhay ng mga residente sa ARMM, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Central Mindanao.

Ang CRDA ay lahatang-panig na pagpapaunlad sa ARMM, Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, at Central Mindanao dahil ultimong scholarships ng mga bata, pagsupo sa kagutuman at kakapusan sa timbang ng mga bata, tulong sa kabuhayan ng mga magsasaka at mangingisda, sistemang-patubig, at elektripikasyon ay bahagi ng programa.

Bukod dito, nangako si Duterte na magpapatayo ng mga pampublikong pagamutan sa Jolo at ilang bahagi ng ARMM sa susunod na taon na ang P1 Bilyong pondong nakalaan ay bigay ng negosyanteng taga-suporta niya.

Maganda ang programa at ginagawa ng administrasyong Duterte para sa mga nabanggit na mga rehiyon sa Mindanao, kabilang na ang ARMM.

Sana, tuluyan nang sumulong, umunlad, at umangat ang ekonomiya sa nabanggit na mga rehiyon at mga residente rito.

Sana nga.

Panawagan na lamang namin, seryosohin naman ng mga namamahala sa pamahalaang lalawigan, lungsod, at bayan.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like