Magna Carta of the Poor walang silbi, pirmahan man o hindi – grupo

Apektado ang mga maliliit na vendors sa Luneta dahil sa planong gawing pribado ito.
Apektado ang mga maliliit na vendors sa Luneta dahil sa planong gawing pribado ito.

NANINIWALA ang isang grupo ng maralita na walang silbi ang Magna Carta of the Poor kahit pirmahan man o hindi ito niPangulongBenigno Aquino III.

Ayon sa grupo ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (KADAMAY), isang pambansang alyansa para sa urban poor, kahit na umano maisabatas ang nasabing Magna Carta at malagakan ito ng pondo, magiging walang silbi parin ito sapagkat nananatili ang pag-iral ng mga programa at patakarang nagbabaon sa mga Pilipino sa kumunoy ng kahirapan.

Kasama sa mga sinasabing programa ng sumisikil sa mahihirap ay ang pagpapatupad ng gobyerno ng iba’t ibang porma ng pribatisasyon ng mga pampublikong serbisyo, pasilidad at mga ari-arian na umano’y magsasadlak sa milyun-milyong maralita sa kahirapan at maging sa kamatayan.

Dagdag pa ng KADAMAY, hindi na sila umaasang maipapasa ang anumang maka-maralitang batas, kabilang na ang Magna Carta of the Poor, sa ilalim ng kasalukuyang administrasyon.

Kamakailan lamang ay giniba ng National Park Development Committee (NPDC) ang mga stalls ng mga maliliit na vendors sa Phase 2 ng Luneta Park.

Inaasahang 200 maliit na manininda ang mawawalan ng tanging pinagkukunan ng kanilang kabuhayan sa pagpapatupad ni Aquino ng pagsasapribado ng Luneta Park.

Hirit pa ng KADAMAY, sa oras na maisapribado na ang Philippine Orthopedic Center (POC), madali nalang para sa pamahalaan ang pagsasapribado ng aabot sa 30 pampublikong ospital sa bansa. Libu-libong maralitang pasyente umano ang mamamatay sa tuluyang pagtalikod ng gobyerno sa paglalaan ng serbisyong pangkalusugan sa mamamayan, dagdag ng grupo.

You May Also Like