Magandang Oportunidad Tungo sa Pangmatagalang Kapayapaan

SIMULA pa noong 1987 nang maging adyenda ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDFP), ngunit hanggang ngayon ay wala pang napagkakasunduan ang dalawa.

Natitigil, nag-uusap uli, natitigil, at nag-uusap muli na para bang gulong na paikot-ikot sa lansangan.

Sa tuwing maghaharap ang GRP at CPP-NDFP, hindi nagtatagal ang usapan dahil hindi magkasundo ang dalawang panig kahit na mayroon nang mga dokumentong nilagdaan na bahagi ng kabuuang proseso ng usapang pangkapayapaan.

Ngayong papasok ang administrasyong Duterte ay mukhang positibo ang mararating dahil may ilang mahahalagang puntong inisyal na napagkaisahan ang GRP at CPP-NDFP sa Oslo, Norway.

Maganda, kung matutuloy dahil naniniwala kaming simula ito ng landas patungong pangmatagalang kapayapaan kasabay nang pagtigil ng pagpapatayan ng Pilipino sa kapwa Pilipino (mga sundalo at rebeldeng komunista) na nadadamay ang mga inosenteng mamamayan, kabilang na ang mga bata.

Libu-libong mamamayan na ang namatay na pawang mga biktima ng labanan ng GRP at CPP-NDFP.

Hindi na maganda kung magpapatuloy pa ang labanan kung ito ay mauuwi lamang sa patuloy na pagtaas ng bilang ng mga namatay.

Hindi magandang resulta ng labanan sa pagitan ng pamahalaan at mga rebelde ang mamamatay ang mismong mamamayang pareho namang pinaglilingkuran ng pamahalaan at rebeldeng grupo.

Ibig sabihin, hindi kailangang mayroong patuloy na nagbubuwis ng buhay para lamang makamit ang pangmatagalang pangkapayapaan.

Bakit ba kailangang idaan sa dahas ang pakikibaka tungo sa pangmatagalng kapayapaan kung maaari naman itong daanin sa mapayapang usapan?

Ngayong maganda ang sitwasyon dahil bukas na bukas ang ika-16 na Pangulo ng Republika ng Pilipinas na si Rodrigo Duterte sa usapang pangkapayapaan.

Mabuti rin na si Duterte ay bukas na ibigay kung anu-ano ang kahilingan ng mga komunista upang matanggal na ang mga balakid sa pag-uusap ng GRP at CPP-NDFP.

Mainam din at hindi tuluyang ibinasura ng CPP-NDFP ang usapang pangkapayapaan kahit sobrang tigas ng tindig ng mga nakalipas na administrasyon laban sa kanilang mga kahilingan.

Dapat huwag nang masayang ang napakagandang oportunidad upang magtuluy-tuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng GRP at CPP-NDFP.
Ito’y dahil ang magandang ibubunga ng usapan ay tiyak na ang 104 milyong Pilipino ang makikinabang at ang Pilipinas.

You May Also Like