Maganda Sana Kung Kasing Tindi ng Kampanya Laban sa Iligal na Droga

 

 

ISA lang ang iligal na droga sa napakaraming krimen sa Pilipinas.

Ang iba ay ang katiwalian at korapsyon sa pamahalaan, at kontraktuwalisasyon sa mga manggagawa.

Ang katiwalian at korapsyon, at kontraktuwalisasyon ay mga krimeng ilang ulit na idiniin at ipinangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na gusto niyang mawala sa panahon ng kanyang termino.

Kaya, hindi lamang ang iligal na droga.

Ngunit, kapansin-pansin na grabe ang tutok sa iligal na droga ng administrasyong Duterte, sapagkat hindi lamang ang iba’t ibang yunit ng Philippine National Police (PNP) ang kumikilos, kundi maging ang Department of Justice (DOJ).
Daig pa ng DOJ ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ang trabaho ay pokus laban sa iligal na droga.

Pati ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ay pinaghahanda na rin ni Duterte laban sa droga, sapagkat mahigit isang libo yata ang ipahuhuli niya na mga taong nasa estado poder na pawang may kaugnayan sa sindikato ng droga.

Ang matindi pa sa iligal na droga, halos patayin ni Duterte sa p….i… ang mga hindot sa iligal na droga.

Ngunit, ‘pagdating sa katiwalian at korapsyon at kontraktuwalisasyon ay bihirang ulitin ng Pangulo ang tatlong salitang ito, samantalang alam na alam naman niya kung gaano kalala ang mga problemang ito.

Alam na alam din ni Duterte kung anu-ano ang mga ahensyang ‘di patatalbog kung pagnanakaw lamang ng mga opisyal at kawani ang pag-uusapan.

Hindi ba’t binanggit dati ni Duterte na napaka-talamak ang korapsyon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), Bureau of Customs (BOC), Land Transportation Office (LTO), at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB)?

Anong nangyari sa kampanya rito?

Kaya, itinatanong ng TapatNews.com, sapagkat wala pa kaming nababalitaang kinasuhan at ipinahiya ni Duterte na mga tiwali, korap, magnanakaw, at mandarambong na mga opisyal at kawani ng DPWH, LTO, at LTFRB.

Syempre, hindi lang naman ang apat na ito ang talamak sa katiwalian, korapsyon, nakawan, at pandarambong, kundi lahat naman ng ahensya ng pamahalaan tulad ng Department of Education (DepEd), ngunit ang apat na nabanggit ay siya lamang sinaltik ni Duterte sa publiko.

Hindi lang binanggit ni Duterte sa publiko kung gaano kalala, pero mapapa-wow ka sa tindi.

Pagdating sa krimen ng mga kapitalista sa mga manggagawa ay hindi maipagkakailang kabisado rin ni Duterte kung anu-anong kumpanya ang demonyo ‘pag dating sa kontraktuwalisasyon.

Ang kailangan lang ay ikasa ng administrasyong Duterte ang kampanya laban sa katiwalain, korapsyon, at kontraktuwalisasyon nang kasing tindi ng kampanya laban sa mga protektor ng sindikato ng droga, sindikato ng droga, tulak, at adik.

Kung matindi rin ang antas ng kampanya, tiyak may kalalagyan ang mga magnanakaw sa pamahalaan at mga mapagsamantalang negosyante.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like