Mag-ingat at baka kayo makuryente

The DreamerNagpipiyesta ang mga media organization na lantarang anti-Catholic kada may pahayag si Pope Francis.
Kanya-kanya sila sa pag-anggulo ng balita na pabor sa kanilang motibo.

Lalo na dito sa pinakahuling pananaw daw ng Santo Papa tungkol sa aborsyon at homoseksualidad. Nakikita ng media ang gusto nilang makita. At sinusulat nila ito na sadyang may kulay para mas maraming malinlang at maligaw.

Pansinin ninyo, ‘di lang mga international news organizations ang nag-misinterpret – pati mga local media nakisawsaw.
Nagulantang tuloy sila nang malathala naman ang pag excommunicate ng Papa sa Australiyanong pari na pabor sa gay marriage. Tila bang nagbubunyi sila na sa wakas ay naging liberal na ang Roma dahil kay Pope Francis, ngunit bigla silang nalito nang pinarusahan ang isang pari sa isang isyu na may kaugnayan sa homoseksualidad.

Ito ay patunay lamang o indikasyon na mali ang pag-aakala nila sa tunay na mensahe ng Santo Papa.

Kaya tayong mga binyagang Katoliko, huwag po tayo basta basta maniniwala sa mga makulay na binabalita tungkol sa ating pananampalataya. Alamin muna natin ang pinanggalingan, at saka natin basahin o panuorin nang maigi ang kabuuan ng sinabi ng ating mahal na Pope Francis.

Tunay na marami tayong matututunan sa ating bagong Pastol pero mas mabuti na mag-ingat tayo na hindi tayo maisahan ng mga may masamang balak.

Himayin ninyo nang maigi ang mga lumalabas na balita at pagnilayan ninyo. Magdasal at humingi ng gabay ng Banal na Espiritu para sa discernment.

Ang hanapin ninyo ay ang isang mensaheng hindi nagbabago. Ang katotohanan ay hindi pabago-bago. Kahit paano mo pa baliktarin ‘yan … pareho pa rin. Consistent.

Kung ‘di nagtutugma ang mga pahayag, pananaw, o kilos, tiyak ‘yan, mali ang pagkakaintindi sa tunay na halaga at punto ng mensahe.

“Be not afraid,” ang sabi ng dating Santo Papa Juan Pablo II. Huwag po kayong mababahala dahil hindi po pababayaan ng Diyos na magtagumpay ang mga nagkakalat ng mga kamalian tungkol sa ating pagiging Katoliko.
Kailangan lamang po na manatili tayong dilat, alerto, at mapanuri.

You May Also Like