Mabilis, Ngunit Wastong Desisyon

 

MASASABING isang tagumpay ng mamamayang Pilipino ang desisyon ng Office of the Ombudsman na iakyat sa Sandiganbayan ang mga kasong kriminal nina Jejomar “Jojo” Binay (dating Alkalde ng Makati City at dating Pangalawang Pangulo ng bansa), Jejomar Erwin “Jun-jun” Binay Jr. (dating Alkalde ng Makati City), mga dating opisyal ng pamahalaang Lungsod ng Makati, at mga representante ng dalawang pribadong kumpanya.

Ang kaso nila Binay ay hinggil sa kuwestiyonableng P2.2 bilyong napakataas na gusali ng pamahalaang lokal ng Makati.

Ang mga puntong sinasabing nakagawa ng maraming krimen ang mga akusado, ayon sa rekord ng Office of the Ombudsman, ay sobra-sobra ang P2.2 bilyong halaga ng proyekto, dinaya ang bidding process upang pumabor sa mga ‘paborito’ at ‘kaibigang’ mga kumpanya ng mga Binay, at mayroong pagsasabwatang naganap sa mga opisyal at pribadong kumpanya upang maitayo ang P2.2 bilyong gusali.

Ang resulta ay mayroong kumita, sapagkat hindi isasagawa ang kung anu-anong pandaraya kung walang kikita.

At kumbinsido kaming napakalaki ng kita.

Kita na ang halaga ay maaari nang makabili ng malawak na lupain sa Batangas.

Ang desisyon ng Office of the Ombudsman na iakyat ang kaso sa Sandiganbayan ay nangangahulugang hindi nagpabaya, hindi tinulugan, hindi nagdalawang-isip, hindi natakot, at hindi benalewala ang kaso.

 

 

Idiniin ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na “malakas ang aming ebidensiya” kaya “naniniwala kaming mapaparusahan ang mga akusado” alinsunod sa itinakda ng batas ay pawang katotohanan lamang at hindi pagpapabango ng tanggapan ng pamahalaang pinamumunuan ni Morales, o hindi sumasabay sa kumpas ng pagpapabago ng administrasyong Duterte sa publiko.

Kung hindi kasi malakas ang ebidensiya, tiyak malulusutan ng mga akusado ang mga kasong kriminal, lalo na ng mag-amang Binay.

Tandaan, ang mag-ama ay mayayaman.

Ibig sabihin, mayroon silang sapat—o baka sobra-sobra pa nga—na pera upang ipambayad sa pinakamahusay na mga abogado sa Pilipinas upang ipagtanggol ang kanilang pagiging ‘inosente.’

Upang patunayang sila ay biktima ng pamumulitika nina dating Pangulong Benigno Simeon Aquino Cojuangco 3rd at dating Interior and Local Government Secretary Manuel “Mar” Roxas 2nd.

Upang patunayang “sadyang nililihis” ng Office of the Ombudsman ang tunay na isyu hinggil sa tunay na mga magnanakaw at mandarambong dito sa Pilipinas.

Kung supisiyente ang ebidensiya upang masukol ang mga Binay at mga kasapakat nila sa kaso, dapat lamang bilisan ng ikatlong dibisyon ng Sandiganbayan ang paglilitis tulad ng nangyari sa kasong pandarambng noon ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada.

Ngunit, idiniin namin na tiyakin din ng Sandiganbayan na wasto ang magiging desisyon nito.

Sa kasaysayan ng mga kaso ng mga ‘malalaki at impluwensyal’ na tao, iyong kay Estrada ang mabilis.

Sinampahan ng kasong pandarambong si Estrada noong ang pangulo ng bansa ay si Gloria Macapagal-Arroyo.

Panahon din ni Arroyo nadesisyunan si Estrada ng habangbuhay na pagkabilanggo, sapagkat ang dating pangulo ay “guilty” sa krimeng pandarambong.

Ngunit, tulad ng alam na nating lahat, si Estrada ay pinatawad din ni Arroyo.

Mainam kung bibilisan ng Sandiganbayan ang paglilitis sa mga kaso ng mga Binay at mga kasapakat nilang mga opisyal ng lokal na pamahalaan ng Makati City at mga representante ng dalawang pribadong kumpanya, sapagkat mabilis ding malalaman ng mamamayang Pilipino kung ano ang totoo batay sa pagkakaintindi ng ikatlong dibisyon ng Sandiganbayan sa mga ebidensiyang ipinasok ng Office of the Ombudsman.

Makabubuti sa bansa, sa pangkalahatan, at sa ekonomiya, sa partikular, kung ang ang korte ang magsasalita hinggil sa mga kasong kinasasangkutan ng mga Binay kaysa sa pampublikong opinyon, o tsismis.

May negatibong epekto kasi sa ekonomiya kung pampublikong opinyon, o tsismis ang umiikot at nag-iingay sa bawat sulok ng lipunan kumpara sa ‘opisyal’ na desisyon ng korte.

Kung tsismis, o opinyon ng publiko ang umiikot na ‘desisyon’ ay mabilis na naglalaro ang ekonomiya.

Hindi ito mapakalaki—para bang nagsasayaw na ang dance steps ay pataas at pababa at kung magkakamali at madudulas ay posibleng tumiwarik pa.

Dapat maayos na hindi naman mabagal at lalong hindi ubod nang kupad ang paglilitis sa kaso ng mga Binay at mga kasapakat nila, sapagkat kung maayos at mabilis ay ipinapakita lamang na matayog at istable na ang sistema ng korte sa bansa sa kasalukuyang panahon.

Kung hindi naman, may problema ang ating lipunan dahil nasa panahon na tayo ng kapitalismo, ngunit umiiral pa rin hanggang ngayon ang ginagawang kabagalan at kabalbalan ng ilang institusyon noong panahon ng ikatlong Republika ng Pilipinas.

You May Also Like