LTO: Emission testing pinagkakakitaan lang

 

Ni: Jan Sinocruz

 

 

BILANG na ang araw ng mga emission testing center kung mapapatunayang pinagkakakitaan lamang ito ng mga may-ari ng nasabing negosyo, mga opisyal at empleyado ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon sa hepe ng LTO na si Asec. Edgardo Galvante, tatanggalan ng lisensiya ang mga testing center sakaling mapatunayang mayroon ngang nagaganap na korapsiyon sa negosyong ito.

Ani Galvante, isa sa mga nakarating sa kanyang tanggapan na ‘kalokohan’ sa emission testing ay iyong “non-appearance” kung saan iniisyuhan ng “emission certificate” ang isang sasakyang kahit hindi naman nainspeksiyon ang tambutso nito, pero nakalulusot basta may lagay, o padulas na malaki-laki rin ang halaga.

Mayroon pa raw nagaganap na pinepeke ang resulta ng emission testing, o naka-photoshop ang mga litrato ng sasakyan na pinalabas na ‘malinis’ na dahil kunwari’y tapos nang mainspeksyon, patuloy ni Galvante.

Aminado si Galvante na napabayaan ito ng LTO sa nakalipas na mga taon, kaya nagmistulang palabigasan ito ng mga testing center at tiwaling kawani at opisyal ng LTO.

Plano rin ng LTO na ipatigil na ang mga on-the-spot testing na inilalatag sa mga kalsada dahil maging ito ay pinagkakakitaan.

Ang mga kapalpakang ito ay nagiging dahilan din ng paglala ng polusyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Ang mga inisyal na planong ito ni Galvante sa paglilinis ng katiwalian at korapsiyon sa LTO ay ipinarating na ni Galvante kay Transportation Sec. Arthur Tugade at Environment Sec. Regina Lopez.

Naniniwala si Galvante na suportado siya nina Tugade at Lopez, sapagkat ang gagawin niya ay tungkol sa pagbabawas ng katiwalian at korapsiyon sa LTO at pagtanggal ng mga nakadaragdag ng polusyon.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like