LP Ayaw Ipagtanggol si De Lima

Ni: Bernard Badilla Toledo

 

 

NAG-IISANG nakikipaglaban ngayon si Senador Leila de Lima

upang patunayang walang katotohanan ang mga ibinunyag  ni Pangulong Rodrigo Duterte laban sa kanya.

Ang mga kasamahan ni De Lima sa Liberal Party (LP), kabilang na sina Bise-Presidente Leni Robredo at Senate Pro-Tempore Franklin Drilon ay ayaw ipagtanggol ang bagitong senadora.

Kamakalawa, nagpahayag si Robredo ng solidong suporta sa kampanya ng administrasyong Duterte laban sa iligal na droga.

Ang pinakabagong birada ni Duterte kay De Lima ay nasa uluhan ito ng “drug matrix” sa New Bilibid Prison (NBP).

Ang punto rito ng Pangulo ay numero unong protektor si De Lima ng sindikato ng droga na nakabase sa loob mismo ng pambansang piitan.

drug matrix 2

Ang kakabit na punto ni Duterte ay kung protektor ng sindikato, e di kumikita si De Lima.

Pinagtawanan ito ni De Lima habang tahasan niyang itinanggi ang pinakabagong atake ni Duterte sa kanya.

Sa pangkat ng LP sa Senado, si Senador Benigno “Bam Aquino IV lamang ang nagsalita hinggil sa mga birada ni Duterte kay De Lima, ngunit hindi pa niya todo-todong ipinagtanggol ang kapwa mambabatas at kasamahan sa LP.

Ang sabi ni Aquino, “Kung may mga issue na ilegal na gawa, e ‘di magkasuhan tayo. Pero kung ganyan na personal iyong mga batuhan, palagay ko hindi siya maganda para sa bayan.”

“Unang-una, sa pagkakakilala ko sa kanya (De Lima), hindi naman siya involved diyan,” patuloy ng mambabatas.

Pero, mabilis na kumambiyo si Aquino at nagsabing “but if there’s evidence, kailangang imbestigahan. Kung talagang may kinalaman sa droga, kasuhan. Kung talagang may summary killings, imbestigahan.”

Bago paputukin ni Duterte ang tungkol sa drug matrix, kinaladkad na niya sa media ang pakikipagrelasyon ni De Lima sa kanyang driver-bodyguard na si Ronnie Dayan ng Urbiztondo Pangasinan.

Bago pa man naging opisyal ng pamahalaan si De Lima, driver-bodyguard na niya sa Dayan.

Nananatili si Dayan kay De Lima hanggang maging pinuno siya ng Commission on Human Rights (CHR) hanggang maging kalihim ng Department of Justice (DOJ) si De Lima.

Sabi ni Duterte, hindi na raw lover ni De Lima si Dayan.

Ang bagong “sweetheart” ni De Lima ay isang “Warren” na nagtatrabaho sa Metropolitan Manila Development authority (MMDA).

Hindi itinanggi ni De Lima na naging karelasyon niya si Dayan.

Idiniin ni Duterte na ang “sexcapades” ni De Lima ay “nauwi sa seryosong paglabag niya sa mga batas.”

Matatandaan na bago ilantad ni Duterte ang drug matrix, tinumbok na ng Pangulo na protektor si De Lima ng sindikato ng droga sa NBP.

Sa matrix, nangunguna ang pangalan ni De Lima.

Mula kay De Lima, may linyang papuntang kanan na itinuturo si Dayan bilang “BF ni De Lima simula noong CHR days,” ng huli, “BOSS De Lima”, “case fixer of Urbiztondo, Pangasinan of well-known politicians.”

Kapansin-pansin na ang lahat ng pangalang nakasama sa matrix ay panay galing Pangasinan.

Si dating DOJ Usec. Francisco Baraan, paboritong undersecretary ni De Lima.

Kamakalawa, itinanggi na ni Baraan na sangkot siya sa droga.

Ang kapatid ni Baraan na si Pangasinan Provincial Administrator Raffy Baraan ay siyang “cover” sa mga iligalidad na pinasok ni dating Pangasinan Governor Amado Espino Jr. na ngayon ay kongresista para sa Distrito 5 ng lalawigan.

Si Espino mismo ay pasok din sa drug matrix.

Tinukoy si Espino sa matrix na may kasong plunder, pansamantalang nakalaya mula sa kasong “illegal mining.”

Sanggkot din sa black sand mining, quarying at jueteng si Espino, banggit ng matrix.

Tahasang itinanggi ni Espino ang mga nakalagay sa matrix at magingg ang mismo pagkakasangkot niya sa sindikato ng droga sa NBP.

Ngunit, inamin niyang naging ninong siya at ninang si De Lima ng kamag-anak ni Dayan.

Ang isa pang taga-Pangasinan ay retiradong Chief Supt.  Franklin Bucayo na naging hepe ng Philippine National Police (PNP) sa Region 1.

Nang retirado na, itinalaga siya ni De Lima bilang hepe ng Bureau of Corrections (Bucor).

Nagbitiw si Bucayo sa Bucor dahil sa reklamo hinggil sa iligal na droga.

Pasok din sa matrix si Board Member Raul Sison na nagbunyag kay Espino bilang pinakamayamang politiko sa Northern Luzon.

Hindi raw maipaliwanag ang yaman ni Espino, banggit pa sa matrix.

Mayroon pang isang “Ms Cardenosa” na sinabing “dummy” ng mga ari-arian ni Dayan.

Matatandaang naglabasan sa media kamakailan na mayroong malaking bahay si Dayan sa Urbiztondo na pinaniniwalaang galing kay De Lima ang perang ginamit sa pagpapagawa.

Sabi ni Justice Sec. Vitallano Aguirre, iimbeestigahan ng DOJ ang mga pangalang nabanggit sa drug matrix.

Idiniin ni De Lima na ang drug matrix ni Duterte ay nababagay na itapon sa basurahan.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like