Linisin din ang korapsyon sa PNP

NAKAPOKUS ang mata ng mamamayang Pilipino ngayon sa Philippine National Police (PNP) dahil sa estratehikong papel nito sa pagsupo ng talamak na ipinagbabawal na droga sa bansa.

Mukhang maganda naman ang itinatakbo ng kampanya simula ng maging Pangulo ng Republika ng Pilipinas si Rodrigo Duterte, sapagkat marami-rami na rin ang mga namamatay na tulak ng shabu, naaresto, at sumusuko sa PNP.

Pero, syempre napakalayo pa ng laban, sapagkat tiyak marami pang tulak ng shabu, gumagamit ng shabu, at kumakasa pa ang sindikato ng droga.

Habang ginagampanan ng PNP ang trabaho nito laban sa iligal na droga, huwag dapat isantabi ang paglilinis sa PNP mula sa mga bugok nitong mga opisyal at kasapian.

Ang PNP bilang organisasyon ay higit na magiging malakas at matibay na instrumento laban sa sindikato ng droga kung ito ay malinis na organisasyon.

Ang pagiging nitong malinis ang siya nitong “moral authority” upang wasakin ang kasamaang ginagawa ng mga sindikato ng droga.

 

 

Ang sinasabi naming paglilinis ay hindi lamang ang pagtanggal sa PNP ng mga miyembro na tumitira ng shabu at pasok sa sindikato ng droga, kundi maging iyong mga kumikita sa sindikato ng carnapper at jueteng.

Maraming opisyal ng PNP ang yumayaman mula sa iba’t ibang sindikato—hindi lamang sa sindikato ng droga.

Kung ang mga opisyal ay tumatanggap sa sindikato ng droga, pati rin sa sindikato ng mga carnapper, at jueteng lords.

Tingnan ninyo ang mga sasakyan ng mga opisyal ng PNP, marami sa kanila ang magagara ang mga sasakyan.

Kung magara ang mga sasakyan, saan galing ang perang ipinambili rito?

Mula sa mababang sahod ng opisyal?

Kalokohan ‘yan kung kinuha sa mababa nilang sahod ang ipinambayad sa magarang sasakyang binili nila.

Kumbinsido kaming galing sa masamang pera ang ipinangbili nila ng mga magagarang sasakyan.

Ngayong si Duterte na ang Pangulo ng bansa, dapat lamang linisin ang PNP, mismo ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, ang hepe ng PNP.

Magandang oportunidad na si Duterte ang Pangulo ng bansa dahil kitang-kita ang kagustuhan nyang mabago ang pamahalaan.

Ang PNP, na isa sa mga organo ng pamahalaan ay hindi maitatangging punong-puno rin ng katiwalian at korapsiyon.

Bulok din ito, kaparis ng iba pang organo ng pamahalan tulad ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB).

Kung hindi malilinis ang talamak na katiwalian at korapsyon sa PNP, hindi pa rin tataas ang kredebilidad at imahe ng PNP kahit na 1,000 tulak ng shabu ang pagpapatayin nila araw-araw, sapagkat ang linilinis lamang ng PNP ay isang bahagi ng organisasyon nito.

Ang wasto ay linisin ng pamunuan ng PNP ang buong katawan nito mula sa lahat ng klaseng duming dinakot nito.

 

 

 

You May Also Like