LENTE, protesta sa suspensyon ng Korte Suprema sa karapatang bumoto ng mga detainee

Tutol ang Legal Network for Truthful Elections (LENTE) sa pagsuspende ng Korte Suprema sa karapatang bumoto ng mga rehistradong detainee para sa mga kandidato sa lokal na halalan.

Sa pahayag nito kahapon, binigyang diin ng grupo na dapat naging maingat ang Kataas-taasang Hukuman sa pagsususpende sa Comelec Resolution No. 9371.

Iginiit ng grupo na muling pag-aralan ng Korte Suprema ang naging desisyon nito dahil gumamit umano ito ng hindi wastong mga pamantayan sa pag-isyu ng temporary restraining order (TRO) sa nabanggit na resolusyon ng Comelec.

Ayon sa LENTE, sumandig ang Kataas-taasang Hukuman sa mas mahigpit na mga pamantayang nilapat sa PNB v. Castalloy Technology Corp. sa halip na sa mas mahigpit na mga batayang itinakda para sa kasong Ermita v. Aldecoa.

Ang unang asunto ay sangkot umano sa purong komersyal na interes, samantalang ang pangalawa ay may pagpapatupad ng executive order, paliwanag ng grupo.

Sa pahayag nito, binigyang diin ng LENTE na ang eleksyon ay nararapat na maging inklusibo para sa mga botante at kandidato.

Iginiit din nito na ang paglahok sa pamamahala ay batayang karapatang pantao na kinikilala ng iba’t ibang internasyunal na organisasyon.

Ayon sa LENTE, tungkulin ng estado na tiyaking nirerespeto, protektado, at natatamo ng mamamayan ang karapatang ito. (William Rodriguez)

 

 

 

 

 

 

 

 

 

You May Also Like