LEILA, LUMAYLAY SA SENADO

 

LEILA DE LIMA
Sen. LEILA DE LIMA

Ni: Roy Bersales

 

SA halip na ipagtanggol ng kanyang mga kasamahan sa mayorya, inilaylay nila si Senadora Leila de Lima sa isang tabi hanggang tuluyang matanggal sa pagiging pinuno ng Senate Committee on Justice and Human Rights ngayong Lunes.

Labing-anim na senador ang bumoto laban kay De Lima, apat ang kumampi sa kontrobersiyal na senador, at dalawa ang hindi bumoto.

Naganap ang pagpapatalsik kay De Lima makaraang maghain ng mosyon si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao na nagdeklarang bakante ang chairmanship ng Senate Committee on Justice and Human Rights.

Ang mosyon ni Pacquiao ay resulta ng privilege speech ni Senador Alan Peter Cayetano na naghilera ng mga pagkakamali ni De Lima sa pamumuno sa nasabing komite at paghawak ng pagdinig ng komiteng ito tungkol sa extrajudicial killings (EJKs).

Idiniin ni Cayetano na hindi nasunod ang “rules” ng Senado at nakaladkad sa kahihiyan ang Senado at bansa sa ginawa ni De Lima na ilabas si Edgar Matobato sa pagdinig ng Committee on Justice upang ituro si Pangulong Rodrigo Duterte at ang kanyang anak na si Davao City Vice-Mayor Paolo Duterte na siyang mga utak sa pamamaslang ng Davao Death Squad (DDS) sa mahigit 1,000 katao mula 1998 hanggang 2014.

Ang paksa na binubusi sa pagdinig ng Senate Justice Committee ay EJKs na malaganap sa bansa simula noong Hulyo 1.

Ang EJKs ay sumabay sa kampanya ng administrayong Duterte laban sa iligal na droga sa bansa na hindi maipagkakaailang napakatalamak.

Ang ibinahagi ni Matobato sa Senado ay mga naganap sa Davao City mula 1998 hanggang 2014 at hindi mula Hulyo 1 hanggang kasalukuyan.

Sabi ni Pacquiao, hindi tama na hindi sinusunod ang alituntunin kapag nagsasagawa ng pagdinig, o imbestigasyon ang Senado.

Hindi rin aniya wasto na gagamitin ang pagdinig upang solong birahin at siraan ang Pangulo.

Bago magbutohan, nagkaroon muna ng isang oras na “closed-door discussion” ang mga senador kung saan pinag-usapan ang mosyon ni Pacquiao.

Nang isalang sa plenaryo, aktibong lumahok ang mga senador sa isyu hanggang bumoto ang 16 pabor sa pagpapatalsik kay De Lima.

Ang ilan sa kasapi ng Liberal Party (LP) na kinabibilangan ni De Lima ay bumoto kay De Lima tulad nina Senador Franklin Drilon, Risa Hontiveros, Francis Pangilinan, at Paolo Benigno Aquino IV.

Ang hindi bumoto ng  pabor kay De Lima ay sina Senador Ralph Recto (LP) at Antonio Trillanes IV (NP), ang todong sumuporta ka De Lima kay Edgar  Matobato.

Binastos at pinagsabihan pa nga ni Trillanes si Cayetano na “hindi kita papopormahin.”

Sa kanyang pagpapatalsik, kumbinsidong-kumbinsido si De Lima na kumilos si Duterte.

Idiniin ni De Lima na sigurado siyang si Duterte ang nagpatalsik sa kanya, ngunit wala siyang ibinigay na kongkreto at esaktong insidente na magpapatunay na kumilos si Duterte laban sa kanya.

Ang ipinalit ng mayorya kay De Lima ay si Senador Richard Gordon, kilalang kaalyado ni Duterte.

Nangako si Gordon na magiging “objective” at “transparent” siya sa pamumuno ng Justice and Human Rights Committee.

Ang bise niya ay si Senador Panfilo Lacson, bahagi ng mayorya at kaalyado ng LP.

Kasapi pa rin ng Justice and Human Rights Committee si De Lima.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like