‘LAYAS SUNDALONG AMERIKANO’ NI DUTERTE, PAHAYAG LANG SA MEDIA—US STATE DEP’T

 

MINASAKER NOONG 1906: Ang litratong ito ang tinutukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang habas na minasaker ng mga sundalong Amerikano aang mahigit 1,000 Moro, kabilang ang mgakababaihan at bata noong Marso 1906 sa Sulu. Ang naturang krimen ng Estados Unidos ay isaa lamang sa mgaa nagawa nito noong kolonya ng Amerika ang Pilipinas mula 1898 hanggang 1946.
MINASAKER NOONG 1906: Ang litratong ito ang tinutukoy ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang habas na minasaker ng mga sundalong Amerikano ang mahigit 1,000 Moro,  kabilang ang mga kababaihan at bata noong Marso 1906 sa Sulu. Ang naturang krimen ng Estados Unidos ay isa lamang sa mga nagawa nito noong kolonya ng Amerika ang Pilipinas mula 1898 hanggang 1946.

Ni: Roy Bersales

 

PAHAYAG lang sa media ang kagustuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte na umalis na ang mga sundalong Amerika sa Pilipinas, partikular sa Mindanao.

Ayon sa ulat, ang banggit ng tagapagsalita ng United States State Department na si John Kirby ay wala pang natatanggap na “opisyal” na liham ang pamahalaan ng Amerika mula sa administrasyong Duterte hinggil sa pahayag ni Pangulong Duterte na lisanin na ng mga sundalong Amerikano ang Pilipinas, partikular ang Mindanao.

Ayon pa rin sa ulat, inamin ni Kirby na nabalitaan niya mismo ang balitang pagpapaalis ni Duterte sa mga sundalong Amerikano sa Mindanao.

Ngunit, idiniin ni Kirby na “we are not aware of any official communication by the Philippine government … to seek that result.”

Ang nais ipunto ng tagapagsalita ng US State Department ay kailangang magpadala ang pamahalaan ng Pilipinas ng pormal na liham kay Pangulong Barrack Obama bago magpasya at umaksiyon ang Amerika.

Nitong Lunes, inihayag ni Duterte sa media na nararapat lamang umalis ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas, partikular sa Mindanao, sapagkat sila ang dahilan kung bakit magulo ang nasabing isla.

Lumilitaw na ang kaguluhang ginawa ng Estados Unidos sa Mindanao ay hindi lamang ang naganap simula noong 1970s, kundi noon pang 1900s kung saan direktang pinamamahalaan ng Amerika ang Pilipinas sa pamamagitan ng pamahalaang militar at sa kalaunan ay pamahalaang sibilyan.

Ang pinuno sa dalawang pamahalaan ay Amerikano.

Habang kinakastigo ni Duterte ang Amerika, ipinakita ng Pangulo sa media ang litratong ipinakita niya sa 18 delegado ng iba’t ibang bansa, kabilang si US President Barrack Obama, na tungkol sa pagmasaker ng mga sundalong Amerikano sa mahigit 1,000 Moro noong Marso 1906 sa Sulu.

Kabilang sa mga namatay ay kababaihan at mga bata.

Ang masaker ay nakilala sa kasaysayan na Bud Dajo Massacre.

Ang nasabing masaker ay isa lamang sa krimeng nagawa ng Estados Unidos sa Pilipinas simula noong 1989 hanggang 1946.

Hulyo 4, 1946 ‘ibinigay’ ng Amerika ang ‘kalayaan’ ng bansa, sa pamamagitan ng pagkakaroon ng Pilipinas ng sariling Republika—ito ang ikatlong Republika ng Pilipinas kung saan ang unang Pangulo ay si Manuel A. Roxas, ang lolo ni dating Interior Sec. Manuel “Mar” Roxas III.

Si Roxas din ang ikatlo at huling Pangulo ng Pamahalaang Commonwealth ng bansa.

Idiniin ni Pangulong Duterte na hanggang ngayong ay hindi humingi ng paumanhin ang Estados Unidos sa mga krimeng nagawa nito sa mga Pilipino.

Mahalaga ang paumanhin dahil nangangahulugang inaamin ng Amerika na “guilty” ito.

Sabi ng Pangulo, hindi siya naghahanap ng away sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, ngunit dapat umalis na ang mga sundalong Amerikano sa Pilipinas.

Ang banat ni Duterte sa Amerika ay tila ‘pambungad’ niya sa pagbabalangkas ng malayang “foreign policy.”

Aminado ang Pangulo na ang foreign policy ng Pilipinas ay inihulma sa gustong ipagawa ng Estados Unidos sa Pilipinas.

Kumbinsido si Duterte na matagal nang nakikialam ang Amerika sa Pilipinas.

Kamakailan, inamin ni Duterte na kailanman ay hindi siya naging “taga-hanga” ng Estados Unidos.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like