Law Firms nila Bello, Laguesma, Tagapagtanggol ng Kontraktuwalisasyon

Ni: Bernard Badilla-Toledo

MUKHANG mapapalaban nang husto ang organisadong manggagawa bago maipagtagumpay ang laban sa kontraktuwalisasyon.

Nabatid ito ng Tapat News online nang ibunyag ni Terry Tuazon, pangkalahatang-kalihim ng Lakas Mangagawa Labor Center (LMLC), na si Labor Sec. Sylvestre Bello 3rd ay kontra-manggagawa.

Ani Tuazon, ipinagtanggol ng law firm ni Bello na Bello, Torres, and Associates ang mga kumpanyang pabor na pabor sa kontraktuwalisasyon.

Ang ibig sabihin ng kontraktuwalisasyon ay tatlong buwan hanggang limang buwan lamang ang kontrata ng pagtatrabaho ng manggagawa sa isang kumpanya.

Maiksing panahon na nga ang hanap-buhay, wala pa sa minimum ang sahod ng manggagawa, walang allowance, walang 13th-month- pay, walang bonus, walang benepisyo mula sa Social Security System (SSS), at iba pa.

Pagkatapos ng tatlo o limang buwan, maghahanap uli ang kawawang manggagawa ng panibagong trabaho.

Sa sobrang lupit ng ‘palengke ng trabaho’, baka higit pa sa limang buwan ang paghahanap ng manggagawa ng  panibagong trabaho.

 

 

Ayon kay Tuazon, ang iba pang law firm na tagapagtanggol ng mga establisimiyentong hanggang limang buwan lang ang maximum ng pagtatrabaho   ay ang Medialdea, Bello, Ata Law Firm; Laguesma, Magsalin, Gallardo Law Firm; Dela Rosa, Tejada, and Nograles Law Firm.

Ang Medialdea sa Medialdea, Bello, and Atas Law Firm ay walang iba kundi si Executive Secretary Salvador Medialdea ng administrasyong Duterte.

Iyong Bello naman ay kamag-anak ni Labor Sec. Bello.

Si Laguesma ng Laguesma, Magsalin, and Gallardo Law Firm ay ang dating kalihim ng Department of Labor and Employment DOLE) na si Ben Laguesma.

Siya ang boss ng DOLE noong pangulo ng bansa si Manila Mayor Joseph Estrada.

Sa kasalukuyan, si Laguesma ay nakaupo sa Social Security Commission (SSC) bilang representante ng mga negosyante.

Napag-alaman ng media na si Laguesma ay kinuha ni Bello bilang consultant sa DOLE.

Ang law firm ni Laguesma ay batikang nag-aabogado sa Asiapro Manpower Cooperative, isa sa pinakamalaking kompanya na nagbibigay ng kontraktuwal na mga trabaho sa iba’t ibang kompanya.

Ayon sa ulat, higit 45,000 ang lahat ng empleyado ng Asiapro.

Iyong Nograles sa Dela Rosa, Tejada, and Nograles Law Firm ay kamag-anak nina Kongresista  Karl Nograles at  Gerardo Nograles, chairman ng National Labor Relations Commission (NLRC).

Idiniin ni Tuazon na ang pinakamahirap sa pakikbaka laban sa kontraktuwalisasyon ay pawang kalaban ng manggagawa ang mga taong inaasahang mangunguna sa paggiba rito.

Gayunpaman, naniniwala pa rin ang LMLC na sa bandang huli ay magtatagumpay ang mga manggagawa laban sa kontraktuwalisasyon, tugon ng tagapangulo ng LMLC na Timoteo Aranjuez.

Ang LMLC ay alyansa ng 10  federasyon ng mga mangagawa na determinadong labanan ito sa loob ng anim na taong panunungkulan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Idiniin ni Aranjuez na kailangan lamang na magkaisa ang ibang grupo ng mga organisadong manggagawa.

Idinagdag pa ng beteranong lider manggagawa na hindi kailangang magkaroon ng panibagong batas laban sa kontraktuwalisasyon, sapagkat sapat na ang Artikulo 280 ng Batas-Paggawa upang mawala ang kontraktuwalisasyon.

You May Also Like