Laban sa RH Law tuloy – Obispo

life news 2 photo

MANILA – Naninindigan si CBCP Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People Chairman Balanga Bishop Ruperto Santos na dapat ipagpatuloy ng mga Pilipino ang laban sa RH law matapos ideklarang legal ng Korte Suprema ang nasabing batas.

Iginiit ni Bishop Santos na ang malaking bilang ng mga Overseas Filipino Workers o mga itinuturing na makabagong bayani ay patunay na ang populasyon ng Pilipinas ay maituturing na assets o yaman ng bansa.
Nilinaw ni Santos na dahil sa bilyong pisong remittances ng mga OFW ay nananatiling malakas at maunlad ang ekonomiya ng Pilipinas.

Sinabi ni Bishop Santos na dahil sa pinagtibay na batas, nanganganib ang kasagraduhan ng buhay ng tao, “na ang Panginoong Maylikha lamang ang may kapangyarihang bawiin.”

Inihayag ni Santos na ang kalooban ng Diyos ay dapat igalang, bigyan ng pagpapahalaga at dahil dito, dapat payabungin ang buhay at hindi supilin o kitilin.

“Alam natin na ang mayroon lamang kapangyarihan sa buhay ay ang Diyos. Ang puwede lang humatol at magtakda ay Diyos, hindi bilangan at hindi botohan ang nakataya dito kung hindi buhay at ang Diyos lamang ang makahahatol at tayo ay sumusunod sa kalooban ng diyos. Ang kalooban ng Diyos ay igalang, bigyan ng pagpapahalaga at palawakin ang buhay, hindi supilin o hindi kontrahin ng contraception. Kaya samakatuwid, tayo ang magpapatuloy na ipagtanggol ang buhay,” paglinaw ni Santos sa isang panayam sa Radio Veritas.
Ayon kay Santos, ang kalooban ng Panginoon ang dapat sundin hindi ang pagkapanalo sa bilingan o botohan ng RH Law.

Sinasabi sa “Humanae Vitae” na ang buhay ay sagrado at banal.

Isinusulong sa family planning method ang paggamit ng natural na pamamaraan at hindi artipisyal na paraan o ang pagagmit ng artificial contraceptives.

[Riza Mendoza]

You May Also Like