Kwentong Kutsero

meloLAMAN ng mga pahayagan, radyo’t telebisyon ang “Napolist,” Ping’s List at ang exposè ni Benhur Luy tungkol sa mga mambabatas na sangkot at sinasabing nakinabang sa kabaitan ni Gng. Janet Lim Napoles sa nakalipas na mga taon.

Sa isang tanghalian kamakailan, isa sa mga kaibigan ko ang nagsabing hindi magtatagal ay dadakpin ang tatlong naunang isinangkot sa kasong plunder– sina Senador Juan Ponce-Enrile, Jose “Jinggoy” Estrada at Ramon “Bong” Revilla, Jr. Magkakaroon pa rin ng ikalawang listahan na naglalaman ng mga kaalyado ng Malacañan at may ikatlong listahan na naglalaman ng mga pamahalaang lokal na nakinabang sa pag-ulan ng pera mula sa kaban ng bayan.

Binanggit ang mga pangalan nina Kalihim Florencio “Butch” Abad at Proceso “Procy” J. Alcala. Hindi pa lumulubog ang araw ay naglabas na ng pahayag si Kalihim Abad na hindi siya kailanman nakipagtalas-tasan kay Gng. Napoles. Lumabas naman ang balitang nangutang ang dating mambabatas ng Batanes sa negosyante noong 2000.

Sa likod ng mga balitang ito’y lumitaw ang kwento na walang relasyong namamagitan kina Kris Aquino at Quezon City Mayor Herbert “Bistek” Bautista. Magkaibigan lamang sila. Nakatutuwa na sa bawat kontrobersya ay biglang lilitaw si Kris at may dalang kuwento na pagpipistahan ng madla. Tila ba sinasadya upang lumalig ang isyu at maligaw ang madla sa tunay na nagaganap sa bansa.

Kung noo’y natuon ang pansin ng madla sa Korte Suprema sa pagpapatalsik kay Chief Justice Renato Corona, nakatuon naman ngayon ang madla sa Senado at Kongreso. Kung magpapatuloy ito, tiyak na bababa ang paniniwala ng taongbayan sa dalawang sanga ng pamahalaan. Tanging ang ehekutibo na lamang ang mananatiling walang bahid ng kontrobersya. Baka wala ng maniwala sa hudikatura at lehislatura.

Kung mahalagang paksa ang Priority Development Assistance Fund na kilala sa pangalang pork barrel, wala nang hihigit pa sa isyung dala ng Enhanced Defense Cooperation Agreement na nilagdaan nina Kalihim Voltaire Gazmin at US Ambassador to the Philippines Philip Goldberg noong nakalipas na buwan.

Hinimay ng palatuntunang Tapatan sa Aristocrat noong ika-19 ng Mayo ang naturang kasunduan.

Sa ating pagbabalik sa isyu ni Gng. Napoles at iba pang mga taong nadawit sa kontrobersya, may nagsasabing may nagbalak nito upang tumingkad ang galing ng isang taong nananaginip maging pangulo sa 2016. Nagkataon nga lamang na nag-boomerang kaya’t iba’t ibang kuwento na ang lumalabas sa media ngayon.

Bahagi po ito ng mga kwentong kutsero sa Intramuros, sa Divisoria at maging sa Binondo.

Tabi po!

You May Also Like