Gloria Arroyo, walang sala sa pandarambong – Korte Suprema

Ni: Bernard Badilla-Toledo

TAPOS na ang termino ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd, tapos na rin ang termino ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagkaka-hospital arrest nito sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) na nagsimula pa noong 2012.

Nakalaya na si Arroyo matapos magpasya ang mayorya ng Korte Suprema (KS) na walang sapat na batayan ang kasong P336 milyong pandarambong na isinampa sa dating pangulo at sa naging kasama nito sa kaso na si Benigno Aquas, dating budget and account officer ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa kabuuang 15 mahistrado, 11 ang bumoto upang mapawalang sala si Arroyo.

Apat ang tumutol, kabilang na si Chief Justice Ma. Lourdes Sereno.

Idiniin ng 11 mahistrado na “mahina” ang ebidensiya laban sa dating pangulo na nasa ikatlo at huling termino na rin sa pagiging kongresista ng Pampanga.

 

 

Ang labing-isang pumayag na lumaya na si Arroyo ay sina:

  • Justice Presbitero J. Velasco, Jr.;
  • Justice Teresita J. Leonardo-De Castro;
  • Justice Arturo D. Brion;
  • Justice Diosdado M. Peralta;
  • Justice Lucas P. Bersamin;
  • Justice Mariano C. Del Castillo;
  • Justice Jose P. Perez;
  • Justice Jose C. Mendoza;
  • Justice Bienvenido L. Reyes;
  • Justice Estela M. Perlas-Bernabe;
  • Justice Francis H. Jardeleza.

Ang mga tumutol, bukod kay Sereno, ay sina:

  • Senior Associate Justice Antonio T. Carpio;
  • Justice Alfredo Benjamin S. Caguioa;
  • Justice Marvic Mario Victor F. Leonen.

Sabi naman ng Malakanyang na igalang ang desisyon ng KS.

Ang desisyon ng KS ay alinsunod sa kahilingan nina Arroyo at Aquas na ibasura ang kaso laban sa kanila, sapagkat idiniin nilang walang katotohanan na ginamit nila sa ibang proyekto, o winaldas ang P336 milyong pondo ng PCSO.

Hindi nakumbinsi ang 11 mahistrado na wastong batayan ang “marginal notes” ni Arroyo sa dokumentong ipinasa sa kanya ng PCSO para sa isang proyekto upang madiin sa kasong pandarambong ang dating pangulo.

Ipinag-utos noong 2012 ng Sandiganbayan na ikulong si Arroyo habang nililitis ang kaso.

Umapila ang kampo ni Arroyo, sa halip ilagay siya sa hospital dahil sa kanyang sakit.

Sinang-ayunan ito ng Sandiganbayan.

Ang nasa likod ng pagsasampa ng kasong kriminal laban kay Arroyo at Aquas ay si dating Pangulong Aquino.

Lumalabas, matindi ang galit ni Aquino kay Arroyo na dati niyang propesor sa Economics sa Areneo de Manila University, sa hindi malamang dahilan.

Tingin noon ni Aquino na ang paghahain ng kaso at pagpapakulong kay Arroyo ay isa nang batayan upang sabihing seryoso siya sa pagliilnis ng katiwalian at korapsiyon sa pamahalaan.

Ang problema, binatirya ng Korte Suprema ang kasong kriminal laban kina Arroyo at Aquas, dahil sa mahinang batayan ng pamahalaan, kaya pinawalang sala nila ang dalawa.

You May Also Like