Kontraktuwal ang lahat ng sekyu sa Pilipinas

 

Ni: Nelson S. Badilla

WALANG problema kung second year college lang ang inabot mo, sapagkat magkakatrabaho ka dahil marunong kang magbasa at magsulat.

Puwede kang maging guwardiya o security guard, kung iyong nanaisin.

Ayon kay Atty. Fred Bentulan, pangulo ng Alas-Guwardya, umaabot sa 500,000 lahat ang guwardiya sa Pilipinas ngayon.

Lahat sila ay ikinokonsiderang kontraktuwal na mga manggagawa, dahil ang kanilang trabaho ay nakadepende sa kontrata ng pinapasukan nilang security agency sa isang kompanya, sabi ni Bentulan sa press conference na dinaluhan ko nitong Hulyo 9 sa Quezon City.

Ang masama sa sitwasyon ng mga guwardiya ay mababa ang sahod nila, samantalang dose-oras silang nagtatrabaho halos araw-araw.

Ang 500,000 kontraktuwal na mga guwardiya ay bahagi ng mahigit 36 milyong kontraktuwal na mga manggagawa mula sa higit 67 milyong manggagawa sa Pilipinas ngayong 2016, sang-ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA).

Ang minimum na sahod ng manggagawa ngayon sa Metro Manila ay P491.00 bawat araw.

Ito ang pinakamalaki sa pinakamababang sahod sa buong bansa.

Bago matapos ang termino ni Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd, P481 kada araw ang minimum sa Metro Manila.

Kaya naging P491, dinagdagan ang P481 ng Regional Wage and Productivity Board (RWPB) sa Metro Manila ng P10.

Napakalyo sa tunay na kailangan ng mga manggagawa na higit P1,000 umento kada araw.

Ang sabi ng RWPB, malulugi raw ang mga negosyante kung mas mataas pa sa P10 ang umento.

Kung P491, halos P13,000 bawat buwan ang sahod.

Sa bahagi ng mga guwardiya, malayong-malayo sa minimum ang sahod nila, sapagkat ang signipikanteng bilang sa hanay nila ay sumasahod lamang ng P7,000 o P8,000 kada buwan kahit pa labingdalawang oras silang nagtatrabaho.

 

 

Dapat mayroon silang overtime pay, alinsunod sa iniutos ng Batas-Paggawa.

Pero, hindi ipinatutupad.

Sobrang ganid naman ng mga may-ari ng mga security agency.

Sabi ni Bentulan, halos lahat ng may-ari ay dating mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang mga may-ari ng security agency.

Totoo ‘yan!

Mayroon akong nakikitang mga guwardiya na nakasuot ng unipormeng Aglipay.

Tiyak sa Aglipay Security, Inc. (ASI) sila nagtatrabaho, o sa iba pang kompanya ng Aglipay Security Group (ASG).

Sa website ng ASG, kung saan kabilang ang ASI, nakasaad na noong Mayo 2006 itinatag ang ASI.

Sa parehong website, inilahad ng ASG na ang majority stockholders ng ASG, kasama siyempre ang ASI, ay sina Michael Edgar Yan Aglipay at Ginger Rosales Aglipay at limang iba pa.

Ang sabi pa, si Michael Edgar Aglipay ay ang nag-iisang anak nina dating PNP chief na si Director General Edgar Aglipay at Marinette Yan.

Si Yan ay ang nag-iisang anak ni dating AFP Chief of Staff na si General Manuel Yan.

Sina Director General Aglipay at General Yan ay siyang mga may-ari ng Emirate Security Services, Inc.

Idiniin ni Bentulan na hindi iniintinde ng Security Office for Security and Investigation Agencies (SOSIA) ng PNP kung ipinatutupad ba ng mga security agency ang Minimum Wage Law o hindi kapag inaaprubahan nito ang aplikasyon ng security agencies na makapag-operate.

Kawawang-kawawa ang mga guwardiya dahil wala na nga sa minimum ang sahod ng karamihan sa kanila, lampas pa sa walong oras ang pasok nila araw-araw, kung saan walang bayad ang sobrang apat na oras.

Batay sa pag-aaral ng Ibon Foundation, dapat higit P1,000 ang sahod bawat araw ng mga manggagawa upang makapamuhay nang disente araw-araw mula sa sobrang mahal ng mga bilihin at gastusin.

Lilitaw na higit P30,000 ang makatarungang suweldo bawat buwan.

Ngayon, kung P7,000 o P8,000 lang ang sahod kada araw, paanong mabubuhay nang disente at maayos ang mga guwardiya.

Kahit nga mga binata at dalaga ang mga ito ay hindi sapat ang P7,000.

Ganoon din sa ibang larangan ng paghahanap-buhay.

Iyon ngang P15,000 kada buwan ay hindi sapat, P7,000 pa kaya.

Sa pakikipaglaban ng mga organisasyon at unyon ng mga manggagawa, nararapat lamang na isama ang kalunos-lunos na kalagayan ng mga guwardiya.

Uulitin ko po, sila ay bahagi ng higit 36 milyong manggagawa na ang trabaho ay nakabatay sa kontrata.

Alam ko ang iba’t ibang organisasyon ng mga manggagawa ay pursigido at handang  makikipagpatayan magwakas lamang ang kontraktuwalisasyon sa Pilipinas.

Sabi nga nila, napakaganda ng oportunidad na ipaglaban ang pagwawakas ng pananamantalang ito sa mga manggagawa, dahil mismong si Pangulong Rodrigo Duterte ay nagdeklara na kinakailangan nang matapos ang nasabing pananamantala.

Ngunit, sa nakikita ko ay matinding laban ito, dahil ang kalihim ng Department of Labor and Employment (DOLE) na si Sylvestre Bello 3rd ay may “history” ng solidong pagtatanggol sa mga kompanyang sagad-saring nag-iimplementa ng kontraktuwalisasyon.

Katunayan, ang kanyang law firm ay taga-pagtanggol ng mga kapitalistang walang takot na ipinatutupad ang kontraktuwalisasyon sa mga korte.

Naging direktor din siya ng maraming kompanya, kabilang ang San Miguel Pure Foods Company.

Ang gamit na batas ng mga law firm ay ang Artikulo 106 ng Batas-Paggawa laban sa Artikulo 280.

Ang Artikulo 106 ay tungkol sa Labor Only Contracting (LOC), samantalang ang Artikulo 208 ay hinggil sa regularisasyon ng trabaho ng mga manggagawa.

Ayon kay Nick Elman, beteranong lider-manggagawa, ginagamit ng mga kapitalista ang konsepto ng LOC upang mabigyan ng katwiran ang kontraktuwalisasyon, mabigyan ng tungkod at ligal na batayan ang pananamantala sa mga manggagawa.

Ngunit, kung pag-aaralang mabuti at susuriin, lumilitaw na ginagamit ang LOC upang  walanghiyain ang Artikulo 280.

Ang pangwawalanghiya sa Artikulo 280 ay walang dudang pangwawalanghiya na rin sa mga manggagawa.

Katuwang ngayon ni Bello sa DOLE si Bienvenido Laguesma, kalihim ng DOLE noong pangulo ng bansa si Joseph “Erap” Estrada.

Si Laguesma ay kinuha umano ni Bello upang maging consultant niya sa DOLE.

Si Laguesma ay mayroon ding law firm na nagtatanggol sa Asiapro Manpower Cooperative.

Ito ang Laguesma, Maagsalin, and Gallardo Law Firm.

Ang Asiapro na mayroong empleyadong higit 45,000 ay nagtatrabaho bilang mga kontraktuwal sa iba’t ibang kompanya sa bansa.

Ang Asiapro ay itinuturing na siyang pinakamalaking kompanya ngayon sa bansa na “supplier” ng mga manggagawang kontraktuwal.

Bukod d’yan, si Laguesma rin ay bahagi ng Social Security Commission (SSC) na siyang pamunuan ng Social Security System (SSS).

Ang inirerepresinta ni Laguesma sa SSS ay ang mga negosyante, ang mga sagad-saring kapitalistang mapanamantala sa mga manggagawa.

Ngayon, kung ganyan ang sitwasyon, paanong magtatagumpay ang mga manggagawa laban sa kontraktuwalisasyon?

Sapat bang nakaupo si Joel Maglungsod na dating taga-pangulo ng Kilusang Mayo Uno (KMU) sa Mindanao, bilang undersecretary ng DOLE?

Idiniin ng mga organisadong manggagawa tulad ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Federation of Free Workers (FFW), Partido Manggagawa (PM), Associated Labor Unions (ALU), Bukluran ng mga Manggagawang Pilipino (BMP), Lakas Manggagawa Labor Center (LMLC), National Confederation of Labor (NCL), Kilusang Mayo Uno (KMU), at marami pang iba na determinadong ipanalo ang pakikibaka laban sa kontraktuwalisasyon sa panahon ng administrasyong Duterte.

Maganda ito.

Magkakasagupaan ang mga manggagawa, kapitalista, at mga opisyal ng DOLE.

————

 

Nelson Salazar BadillaBukod sa pagiging Kolumnista ng Tapat News, si Dr. Nelson S. Badilla ay Reporter ng The Manila Times, at  guro sa isang unibersidad sa Metro Manila.

Ang itinuturo ni Dr. Badilla ay Public Administration at Basic Economics courses.

Ang mga natapos niya ay Doctor in Education, Major Educational Management (University of Rizal System-Morong, Rizal), Master of Public Administration (University of the Philippines-National College of Public Administration and Governance), at A.B. Political Science (Philippine Christian University).

Kumuha rin siya ng higit 30 yunit ng Master in Education (Polytechnic University of the Philippines Graduate School).

Sa susunod na semestre, kukuha si Dr. Badilla ng Master in Communication, na proyekto ng National Press Club (NPC) sa pakikipagtulungan ng Polytechnic University of the Philippines Graduate School.

You May Also Like