KMU, Duda sa Anti-Contractualization Drive ng pamahalan

NAGDUDUDA ang Kilusang Mayo Uno (KMU) sa anti-contractualization campaign ng administrasyong Duterte, kahit isa mga lider ng nasabing organisasyon ay opisyal na ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sabi ni Jerome Adonis, pangkalahatang-kalihim ng KMU, walang problema kay Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng pagwasak sa kontraktuwalisasyon ng mga manggagawa.

Ang malaking hadlang dito ay ang mga negosyanteng sumuporta at nagpondo sa kanyang kampanya nitong eleksiyon, tugon ni Adonis.

Ngunit, diin ni Adonis, na kahit nariyan ang mga kapitalistang manunulsol ay hindi  natatakot at hindi aatras ang KMU sa pakikibaka laban sa kontraktuwalisasyon.

Bukod sa KMU, ipinaglalaban din ng Federation of Free Workers (FFW), Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), Associated Labor Unions (ALU), Partido Manggagawa (PM), at Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) ang tuluyang pagwasak sa kontraktuwalisasyon.

Ayon kay Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng FFW, kailangang magkaisa ang mga manggagawa upang maobliga ang pamahalaan na ipatigil na sa mga negosyante at sa pamahalaan din mismo ang kontraktuwalisasyon.

Tahasang naniniwala si Matula na hindi mananalo ang mga manggagawa kung hindi magkakaisa laban sa kontraktuwalisasyon.

Bukod sa pagiging lider-manggagawa, isang propesor ng mga batas-paggagawa si Matula sa Manuel L. Quezon University (MLQU).

Itinuturing ng mga organisasyon ng mga manggagawa sa Pilipinas na isa sa mga pangunahing suliranin ang kontraktuwalisasyon.

Sa nasabing sistema ng job recruitment ay maksimum na ang limang buwan na pagtatrabaho ng manggagawa sa isang kompanya o pabrika.

Hindi inireregular ng mga negosyante ang mga manggagawa gamit ang kung anu-anong dahilan.

Ang masama sa kontraktuwalisasyon ay bukod sa hindi  na regular ang trabaho, wala sa minimum ang sahod bawat buwan at walang benepisyong makukuha tulad ng 13th month pay, bonus, at iba pa.

Wala rin silang benepisyo mula sa Social Security System (SSS).

Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) tinatayang higit 35 milyon ang maggagawang kontraktuwal sa pamahalaan at pribadong sektor mula sa higit 67 milyong manggagawa sa bansa ngayong 2016.

Sa paglaban sa kontraktuwalisasyon, makatutulong ni DOLE Secretary Sylvestre Bello 3 rd si dating lider ng KMU na si Joel Maglunsod na itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang undersecretary ng DOLE.

Ayon kay Adonis, “Ang tingin namin [sa KMU], si President Duterte, [ay] okay naman ‘yan e. Pero, ang raming nagtutulak sa likod niya na malaking mga negosyante na laban sa inihahain naming agenda [laban sa kontraktuwalisasyon].”

Ngunit, tiniyk ng lider-manggagawa na maglulunsad sila ng kaliwa’t kanang kilos-protesta sa bawat panig ng bansa upang ipakita kay Duterte na ayaw ng mga manggagawa sa kontraktuwalisasyon.

“Kelangan [din] naming maipakita na may malaking suporta ang mamamayan. So, kailangan naming maglunsad ng malalaking rally, kailangang ma-organisa ang mga komunidad kasi kung walang protestang  magaganap, tulad ng malalaking rally para suportahan ang mga hinaing namin, iba-box out  lang nila yang [kontraktuwalisasyon],” paliwanag ni Adonis. (Edward Mico Joseph D. Agustin)

Propellerads

You May Also Like