Ke Sierra-Sierra

yenKamakailan lamang ay nagpunta ako kasama ang ibang kaibigan sa siyudad ng Cabanatuan upang tunghayan ang isang aktibidad ng mga Squires, tawag sa mga kabataang miyembro ng Knights of Columbus.

Nagkaroon ang mga kabataan ng Summer Youth Camp (Summer Outdoor Adventure, Advancement & Reflection) na ginanap sa Camp Atate, Palayan City, Nueva Ecija noong Mayo 16 – 19.

Habang ang mga bata ay nagka-camping, ako at ang aking mga kasama ay tumuloy sa isang karatig na hotel, ang Sierra Madre Suites.

Sa unang tingin, ang naturang hotel ay maganda, tahimik, mapayapa at malawak dahil sa laki nitong tatlong ektarya. Meron itong swimming pool at pinagdarausan minsan ng mga events tulad ng kasal, kalimitan ay para sa mga may kaya lamang sa lugar.

Ang Sierra Madre Suites ay hindi magpapahuli sa mga naglalakihang hotel sa Maynila baka mas maganda at magarbo pa nga.
Pero katulad ng mga napapanood natin sa teleserye, kung anong ganda ng kontrabida, ay kabaligtaran ang pag-uugali nito.
Ang hotel na ito ay may itinatagong.,.. ano bang pwedeng tawag dun,,, konting pag-aagam-agam?…katanungan?

Dahil ngayon lamang ako nakakita ng ganoong kagarang hotel na pagmamay-ari ng… lokal na gobyerno. Tama! Local government ang may ari ng hotel na iyon at nakalulungkot isipin na wala itong income. Paano ko nasabing walang income? Eh walang customer.

Walang resto sa loob ng hotel pero may swimming pool, para talaga itong mansyon.

Naranasan rin namin ang hindi maayos na pasilidad. Sirang pintuan, walang basurahan, hindi maganda ang amoy, walang telebisyon at marami pang iba. Paano ito mina-market? O sadyang ginawa lamang ito para bakasyunan? Nino?

Nagutom kami ng mga kasama ko at naghanap kami ng makakainan pero sa aming pagkagulat, wala ni isang desenteng makakainan, ni fast food chain ay wala. Ang ginawa namin ay pumunta kami sa tinatawag nilang pamilihan na hindi rin maayos.

Nakapagtataka, paanong nagkaroon ng isang napakalaking hotel sa isang probinsya, pero walang maayos na pamilihan? Paano ang mga lokal na naninirahan doon?

At ito pa, dahil sa pagtataka, nagtanong-tanong kami. Magkakaroon raw diumano ng “dumpsite” doon na 40,000 ektarya ang lawak…

May mga malalalim na tanong nga ang mga residente doon: 40,000 hectares dumpsite sa 40,000 population?
Tuloy, ang magarang hotel ay naging ‘haunted house’ sa aming paningin. Sa pagkakaalam ko, pag gagawa ng ‘income generating project’ ang isang local government dapat lahat ng nasasakupan ay nakikinabang. Pero bakit tila may mali?
Sa Sierra Madre Suites, sino ang nakikinabang? Gaano rin katotoo na dapat ay lalagyan ito ng pamosong casino? Hindi lamang natuloy kasi may mga nagreklamo?

Ano kaya ang katotohanan sa likod nito? Ehemmm… katatapos lang po ng eleksyon… sana masolusyunan ang isyu na mayroon sa Ke Sierra-Sierra. (re4teraker@hotmail.com)

You May Also Like