Kaya Pala ng Pilipinas

 

 

KAHANGA-HANGA si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, dahil kahit maliit na bansa ang kanyang pinamumunuan ay buong tapang niyang binabatikos ang Estados Unidos ng Amerika, ang pinaka-mapangyarihang bansa sa daigdig.

Hindi kahanga-hanga at lalong hindi rin nakagugulat kung Rusya, o Tsina, ang pupuna sa mga pagkakamali at pananalbahe ng Amerika, sapagkat ang dalawang ito ay malalakas at mayroon nang kapasidad na makipagtapatan ng lakas sa mga malalakas at makapangyarihang bansa tulad ng Amerika.

Ngunit, ang Pilipinas ay nakagugulat at nakapagtataka, sapagkat isa tayong maliit na bansa na binabatuk-batukan at kinukutus-tusan lang ng Amerika kahit pa hinayaan tayong magsarili mula noong Hulyo 4,1946.

Kahit pa itinuturing na bansang maganda at malaki ang potensyal sa ekonomya ay hindi nito magawang banggain ang Amerika.

Kahit pa ilang ulit nang binansagan ang Pilipinas ng maraming bansa, pampinansyang institusyon, at mga negosyante na bansang ‘tigre’ ang ekonomiya, hindi pa rin naglakas-loob ang Pilipinas na punahin ang Estados Unidos, kahit pa konstraktib ang pormulasyon nito.

At lalong hindi nagawang batikusin nang batikusin ng pamahalaan ng Pilipinas ang Amerika simula kay Emilio Aguinaldo hanggang kay Benigno Simeon Cojuangco Aquino III.

Ngayon, kaya pala ng Pangulo ng Pilipinas na ipamukha sa Estados Unidos ng Amerika ang mga karumal-dumal na krimeng nagawa nito noong sakop at kontrolado pa nito ang Pilipinas mula 1898 hanggang Hulyo 1946 (kahit pa umiral ang rebolusyonaryong gobyerno at republikang pamahalaan mula Agosyo 1898 – Abril 1901).

Kaya pala ng Pangulo na kastiguhin nang kastiguhin ang Amerika sa mga pagkakamali at pagturing nito sa Pilipinas na “basahan” sa napakatagal na panahon.

Walang takot na ginagawa ni Pangulong Duterte ito kahit na napakalaki ng posibilidad na ipapatay siya ni Pangulong Barrack Obama sa Central Intelligence Agency (CIA), sapagkat buo ang loob ni Duterte na maging patas at pantay ang tindig at relasyon ng Pilipinas at Amerika.

Hangad ng Pangulo na magkaroon ng malayang patakaran ang bansa sa pakikipagrelasyon at pakikipagkaibigan nito sa ibang bansa, kabilang na ang Amerika.

Totoong kailangan ng lahat ng bansa na makipagrelasyon at makipagkaibigan sa lahat ng bansa, imperyalista man ‘yan o sosyalista, ngunit kailangang nakahulma ito sa malaya, pantay, at patas na relasyon at pagkakaibigan.

Hindi iyong kaibigan nga ang isang bansa, ngunit inuuto, inuutusan, dinidiktahan, at ginagahasa pa.

Kaya, wasto ang tinatahak na direksyon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, subalit kailangang mailagay ito sa opisyal na dokumento upang maisakatuparan.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like