Kawalan ng hustisya sa bansa bunga ng katiwalian – arsobispo

MANILA — Laganap na katiwalian at kabagalan ng sistema ng hustisya sa gobyerno ang itinuturong dahilan ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz ng Lingayen-Dagupan kung kaya’t tila hindi umuusad ang mga imbestigasyon sa pork barrel scam.

Iginiit ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz na malaki ang posibilidad na walang mananagot at mapaparusahan sa pork barrel scam.
Iginiit ni Archbishop Emeritus Oscar Cruz na malaki ang posibilidad na walang mananagot at mapaparusahan sa pork barrel scam.

Ayon sa Arsobispo, “Matapos man o hindi ng Senado ang imbestigasyon sa pork barrel scam, matatagalan pa rin mapanagot sa batas ang mga nagkasala o makalilimutan na ng taongbayan ang eskandalo dahil sa katagalan at usad pagong na kaso sa korte.”

Pinangangambahan din ni Cruz ang posibilidad na walang mapanagot sa mga sangkot sa pork barrel scam, lalo na ang mga kilala at makapangyarihang opisyal ng gobyerno.

Dagdag pa nito, “Sakaling magkaroon ng desisyon ang Sandiganbayan sa kaso ay maaari pang umapela sa Korte Suprema ang mga papatawan ng parusa na lalong magpapatagal sa pagkamit ng hustisya.”

Nanawagan naman ang arsobispo sa mga Pilipino na ituring ang isyu ng pork barrel na aral upang maging mapanuri sa mga darating na halalan at huwag na muli pang ibalik sa puwesto ang mga sangkot sa katiwalian.

You May Also Like