Kasong paglulustay ng Kalinga Mayor sa public funds, 16 na taon sa Ombudsman

Ni: Joel O. Amongo

NITONG Biyernes, inanunsiyo ng Office of the Ombudsman ang ‘opisyal’ nitong desisyon sa kasong paglulustay ng pera ng publiko matapos ang 16 na taong imbestigasyon sa kaso.

Matapos na mapatunayan ng Office of the Ombudsman na matibay ang ebidensiya  laban kay Alfredo Malannag, Jr., dating alkalde ng Pasil, Kalinga, isinampa mismo ng graft investigating office ang kaso ng dating alkalde sa Sandiganbayan.

Sa 6-pahinang desisyon, sinabi ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na pinagtibay ng Office of the Ombudsman ang resolusyon ng Kalinga Provincial Prosecutor na nararapat sampahan ng kaso si Malannag dahil mayroong matibay na ebidensiya laban sa kanya para sa kasong malversation of public funds.

Si Malannag ay lumabag sa Artikulo  217 ng Revised Penal Code alinsunod sa resulta ng imbestigasyon ng Commission on Audit (COA).

 

 

Ayon sa COA, mayroong hindi maipaliwanag na perang benale ni Malannag mula Hulyo 2001 hanggang Setyembre 2009.

Mayroong ibinawas sa suweldo at terminal leaves ng alkalde na P122, 079.84, ngunit mayroong natitira pang P503,920.16 benale noong Marso 2009.

Ang mahigit P500,000 nabanggit na benale ni Malannag ang siyang hindi naipaliwanag kung saan ginamit, o saan napunta.

Binanggit ng COA na ilang ulit nitong pinaalalahanan ang alkalde hinggil sa higit P500,000, subalit binalewala lang ito ni Malannag.

“[T] he refunds made by respondent as itemized in the COA Report strengthen the presumption that he misappropriated such unliquidated cash advances”, tugon ng Office of the Ombudsman.

Nakasaad sa Artikulo 217 na ang sinumang opisyal ng pamahalaan na ginamit sa maling layunin ng public funds ay may kaukulang kaparusahan ang kanilang paglulustay, o pagpapabaya sa pondong galing sa buwis na ibinayad ng mamamayan.

Kahit sinong opisyal ng pamahalaan ay walang karapatang lustayin sa hindi magandang layunin ang public funds, sapagkat ito ay pera ng mamamayan at hindi kailanman pera ng isang alkalde, o ninumang opisyal.

You May Also Like