Kaso vs. mga Pinoy sa Sabah, kinasa ng Malaysia!

‘Illegal possession of firearms’, ‘intrusion’ at ‘inciting to war’. Ito ang mga kasong kakaharapin ng humigit kumulang 104 na mga Pinoy na ikinulong kamakailan sa Malaysia kaugnay ng sagupaan dahil sa Sabah territorial dispute.

Ani Sabah Police Commissioner Datuk Hamza Taib, ang mga Pinoy ay dinakip dahil sa paglabag sa Security Offenses (Special Measures) Act ng Malaysia na pinagtibay itong taon lamang.

Hindi naman ipinahayag ni Taib kung kailan masisimulan ang paglilitis sa mga nasakoteng Pilipino, kabilang na diumano ang ilang mga kaanak ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III, ayon sa Malaysian state news agency na Bernama.

Royal Army

Ayon naman sa army field commander ng Malaysian forces na si Lt. Gen. Datuk Seri Zulkiple, kasalukuyan na nilang iniimbistigahan ang iba pang maaaring kasangkot at taga-suporta ni Kiram.

Dagdag pa ng Bernama, nasa 50 na lamang ang natitira sa mga miyembro ng Royal Army ni Kiram na kasalukuyan pang tinutugis. Taliwas ito sa bilang na 170 na binigay naman ni Kiram na patuloy na naninindigang hindi opsyon sa kanila ang lisanin ang Sabah.

Idiniin naman ng tagapasalita ng sultanato ng Sulu na si Abraham Idjirani na may 170 pa ang nalalabing miyembro ng Royal Army sa Sabah mula sa orihinal na 235, kung saan hindi bababa sa 61 na ang napatay.

Sa tala nila, may 10 ang nasawi, 10 ang nahuli, apat sugatan at 35 na nadakip sa Tawi-Tawi.

Dagdag din ni Taib, target ng kanilang operasyon ay hindi lamang ang mga kaanak ni Kiram, kundi ang lahat ng sangkot sa ilegal na pagpasok ng armadong grupo ni Raja Muda Kiram sa Sabah.

Kamakailan, nauna nang binansagan ng Malaysia na mga terorista ang mga tagasunod ni Kiram at mula noon ay walang humpay ang mga operasyong isinagawa ng pinagsanib na puwersa ng militar at pulis ng Malaysia. Dagdag pa dito ang mga napaulat na pagmamaltrato sa mga Pilipino sa Sabah.

You May Also Like