Kasaysayan

meloSa loob ng ilang araw ay ipagdiriwang ang ika-116 na Araw ng Kalayaan. At kung hindi magbabago ang ihip ng hangin ay sa Lungsod ng Naga pamumuan ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III ang okasyon.

Abala na ang mga Lungsod ng Naga para sa makasaysayang pagkakataong ito upang bigyang pansin ang naiambag ng Quince Martires de Naga sa pakikipaglaban sa mga mananakop na Kastila.

Karangalang makasama ng mga taga-Bicol si Pangulong Aquino sapagkat siya mismo ay isang katha ng kasaysayan – nagmula sa mag-asawang naging bahagi ng kasaysayan ng bansa.

May kasabihang kung mayroon pang ‘di kailanman natutunan ang mga mamamayan ito ay ang mga aral na idinudulot ng kasaysayan. Ito ang sinabi ni Georg Wilhelm Friedrich Hegel na “We learn from history that we do not learn from history.”
Kung natuto lamang ang mga tao sa aral ng mga nakalipas na panahon, tiyak na mas maganda ang ating kinalalagyan ngayon. Halimbawa: kung talagang may mga pagkakamali ang mga pangulong naglingkod sa Pilipinas mula noong panahon ni Pangulong Ferdinand Edralin Marcos sa larangan ng katiwalian, pagkakaroon ng mga kamag-anak sa pamahalaan at sa pagbibigay ng pabor sa mga malalaking kalakal, sana’y hindi na nagkaroon ng Kamaganak Incorporated noong panahon ni Tita Cory.

Kung mayroong nagsasabing walang magnanimity ang mga nasa poder, makikita ito sa pagpapahirap sa mga hindi kakampi at hindi kaalyado noong mga nakalipas na panahon. Kung mayroon mang naghirap noong mga nakalipas na panahon, pag-upo pa lamang sa poder ay pagbawi na sa mga nag-api sa kanila.

May mga nagsasabing hindi sapat ang integridad sa pagpapatakbo ng bansa. Kailangan ng maliwanag na direksyon upang higit na umunlad ang bansa kahit pa sa kanyang paglisan sa liderato ng bayan, lungsod, lalawigan at bansa. Ang problema ay tanging mga medium term development plans lamang ang prayoridad.

“Bahala na ang susunod sa akin,” ito ang karaniwang sinasabi ng mga tamad kungdima’y kulang sa kakayahang mga pinuno ng bayan. Palaging naitatanong kung ano ang papel ng kasaysayan sa lipunan. Naglalaan ang kasaysayan ng mga detalye ng mga tagumpay at pagkukulang ng lipunan sa paglipas ng mga taon.

Masakit nga lamang na katotohanan na ang mga nagwawagi ang siyang bumubuo at nagsusulat ng kasaysayan.

You May Also Like