Kasalanan ng Office of the Ombudsman

 

NAKABUBUWISIT itong kasong pandarambong laban kina dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Benigno Aquas dahil sila ay kapwa pinawalang sala ng Korte Suprema bunga ng kakulangan ng supisiyenteng ebidensiya na magdidiin sa dalawa sa kasong kriminal.

Nakabubuwisit, sapagkat labing-isa sa labinglimang mahistrado ang nakumbinsing mahina ang ebidensiyang inihain ng prosekyusyon laban kina Arroyo at Aquas.

Higit na apat na taon ang kaso nina Arroyo sa Sandiganbayan, ngunit ang inihaing ebidensiya ng mga abogado ng administrasyong Aquino ay mahina?!

At ang ebidensiyang ito ang siya ring ginamit ng Office of the Ombudsman upang ideklarang nakagawa ng pandarambong sina Arroyo at Aquas (opisyal sa Philippine Charity Sweepstakes Office) dahil sa paggamit ng P338 milyong pondong ito ng PCSO.

Ang ebidensiya laban sa dalawa na may nangyaring masama, o ginamit sa ibang pagkakagastusan ang P338 milyong pondo ng PCSO ay ang lagda ni Aquas at “marginal notes” ni Arroyo.

Syempre, may mga kasamang kung anu-anong mga dokumentong magpapatibay sa pagkakaroon ng P338 milyon mula sa PCSO.

Ngunit, ang malinaw ay kahit isa sa mga dokumentong inakyat ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan na nakarating sa korte Suprema ay walang nagsasasabi at nagdidiiin kina Arroyo at Aquas na sila ay nakagawa nga ng krimeng pandarambong.

 

 

Walang supisyenteng ebidensya na magkakahon sa naging Pangulo ng Republika ng Pilipinas at kawani ng PCSO na kinabig at hinakot nila ang P338 milyon para sa payamaning lalo ang kani-kanilang mga sarili habang sila ay nagtatrabaho sa pamahalaan.

Hindi namin ipinagtatanggol sina Arroyo at Aquas.

Ang gusto nga namin ay makulong ang dalawa kahit na babae at may sakit pa si Arroyo kung talagang siya ay nakagawa ng krimen.

Ang ikinagagalit namin ay ang ginawa ng Office of the Ombudsman at ng mga abogado ng administrasyong Aquino na pawang kapalpakan at kahihiyan, sapagkat hinayaan nilang mahina ang ebidensiya.

Sabi ng Office of the Ombudsman, malakas ang ebidensiya, kaya iniakyat nila ang kaso sa Sandiganbayan.

Ang katotohanan pala ay sila lang ang nagsasabi at tanging nakakaalam na ang ebidensiya nila ay malakas.

Para sa Office of the Ombudsman at mga abogado ng administrasyong Aquino, malakas ang ebidensya, pero saksakan ng hina para sa labing-isang mahistrado.

Ibinilandra at iniyabang pa ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd ang kanyang matayog umanong paninindigan laban sa umano’y mga tiwali at korap na opisyal.

Iyon pala ay pawang palabas lamang.

Ipinakulong lang si Arroyo sa hospital, samantalang walang tibay ang mga ebidensiya laban sa kanya.

Ang masama rito, ginamit ng administrasyong Aquino ang pondo ng pamahalaan upang ipantustos sa mga abogado nito upang ipanalo ang kaso nina Arroyo at Aquas.

Kaso, talo!

Ang pondong ito ay walang dudang galing sa buwis na ibinayad ng mga negosyante at mamamayan.

Dahil natalo ang kaso ng pamalaan laban kina Arroyo at Aquas, walang ibig sabihin nito kundi nagwaldas ng pera ang pamahalaan sa loob ng higit apat na taon.

Para sa amin, malaking isyu ang pagkakabasura mismo ng Korte Suprema ng kasong pandarambong laban kina Arroyo at Aquas, sapagkat baka maulit uli sa ibang mga opisyal.

Kinakabahan kami na baka ang desisyong ito ng Korte Suprema ay mangyari din sa mga opisyal ng pamahalaan na ang mga kasong katiwalian, korapsiyon, o pandarambong ay maideklara ring “mahina” ang mga ebidensiya.

Bakit kami kinakabahan?

Tingnan ninyo ang nangyari sa kaso ni Juan Ponce Enrile.

Si Enrile ay pinayagan ng Korte Suprema na makalaya, sapagkat nakumbinsi ang mga mahistrado na mayroong pagkukulang ang Office of the Ombudsman sa paghahain nito ng kasong kriminal laban kay Enrile at ito ay ang kawalan ng partikularidad sa mga kaong isinampa.

Hindi isinama ng Office of the Ombudsman ang partikularidad (o Bill of Particulars) ng mga kasong isinampa kay Enrile, kaya napalaya mula sa bilangguan ang isa sa mga gulugod ng modernong pulitika sa Pilipinas.

Teknikalidad ang punto ng Bill of Particulars, ngunit ubod ng halaga.

Dahil sa labis na halaga alinsunod na rin sa batas na nagtakda hinggil sa presensya at papel ng partikularidad ng kasong kriminal, ngunit wala sa inihaing mga dokumento ng Office of the Ombudsman sa Sandiganbayan, kaya nagdeklara ang Korte Suprema na palayain si Enrile.

Iyong kaso rin ni Janet Lim-Napoles hinggil sa pandarambong ng higit P10 bilyong Priority Development Allocation Fund (PDAF), o pork barrel ay lumitaw na mahina ang ebidensiya.

Nakumbinsi ng mga abogado ni Napoles ang Sandiganbayan sa maagang panahon na kulang ang mga ebidensiya na magdidiin kay Napoles sa kasong pandarambong, kaya pinayagan si Napoles ng Sandiganbayan na magpiyansa upang magkaroon siya ng pansamantalang kalayaan, gayong ang kasong pandarambong para sa kaalaman ng publiko ay kasong walang piyansa.

Hindi puwedeng magpiyansa ang taong kinasuhan ng pandarambong alinsunod sa itinakda ng batas.

Kapag nakalaya ang taong inakusahan ng pandarambong dahil pinayagann ng korte na magpiyansa, ibig sabihin mahina ang kaso.

Mabuti na lang, may naunang desisyon ang korte na siya ay may kasong illegal detention, o kidnapping, kaya hindi siya maaaring makalabas.

Ngunit, ang kaso niyang pandarambong na nagsasabing mahina ang ebidensiya, kaya pansamantalang makalalaya si Napoles  ay patunay na malaki ang pagkukulang ng Office of the Ombudsman dito.

Sa nangyayaring ito, tila mayroong padron ng pagkatalo ng mga kaso ng pamahalaan sa mga pinaniniwalang mga tiwali, korap, at mandambong na mga opisyal.

Sa pangyayaring ito, malaking-malaki ang kasalanan ng Office of the Ombudsman sa mamamayang Pilipino.

You May Also Like