Kasalanan na naman ng Pamahalaan

 

 

 BAKIT pa kasi binigyan ng pansin ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NPA-NDFP), samantalang mahinang puwersa na ang mga ito?
 
Tuloy, nabigyan pa ng ‘kinang’ ang laos, bangkarote, at mahinang mga organisasyon na ito.
 
Hindi na dapat kinakausap ang CPP-NPA-NDFP dahil maliit na lang na pangkat ang mga ito na ang katotohanan ang bulto ng kasapian nila ay nakabase na lamang sa ilang bahagi ng Mindanao.
 
Manipis na ang puwersa nito sa maraming bahagi ng bansa, bunga na rin ng sarili nilang kahinaan.
 
Iyong dating malakas na base ng CPP-NPA-NDFP sa Visayas at Luzon ay wala nang lahat, sapagkat napagtanto at napatunayan ng kasapian at taga-suporta ng CPP-NPA-NDFP na mali ang tinatahak nilang direksyon habang si Jose Ma. Sison ang pinuno ng samahan ng mga komunista.
 
Ilang ulit na bang bumagsak at nabigo ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at ng NDFP.
 
Maraming beses na.
 
Simula pa noong 1987 hanggang kay Gloria Macapagal-Arroyo ay walang nangyari, dahil sa pagkakamali ng CPP-NPA-NDFP, lalo na si Jose Ma. Sison, ngunit kahit kailan hindi tinanggap nito ang kanyang pagkakamali.
 
Gusto ni Sison, kung ano ang nasa isipan niya ay siyang dapat masunod at hindi kung ano ang kagustuhan ng pamahalaan.
 
Kung ano ang pahayag at paliwanag ni Sison ay siyang tama.
 
Diktador kasi si Sison—na kapag hindi sumunod sa kanya kahit ang lehitimong pamahalaan ng Republika ng Pilipinas ay pinalalabas niyang mali at bangkarote ang ideya.
 
Kaya nga nagsara ng pinto ang administrasyong Aquino sa CPP-NPA-NDFP, sapagkat hindi nito gustong makipag-usap sa pangkat ni Sison.
 
Palagi kasing iginigiit ni Sison ang gusto niya dahil kung ano ang gusto niyang ideya ay siyang dapat paniwalaan at sundin.
 
Ngunit, sa kabila ng pagiging barumbado ng CPP-NPA-NDFP at abusado ng pinuno nilang si Sison, hinimok pa rin ni Duterte ang naturang komunistang samahan na muling mag-usap ang GRP at NDFP.
 
Upang ipakitang seryoso at tapat ang administrasyong Duterte, agad inatasan niya ang kanyang mga negosyador na inisyal nang makipag-usap sa NDFP.
 
Pagkatapos binigyan ni Duterte ng puwesto sa pamahalaan ang CPP-NPA-NDFP, na dalawa pa nga sa kanila ay nasa antas ng Gabinete.
 
Ito ay sina Rafael Mariano para sa Department of Agrarian Reform (DAR) at Judy Taguiwalo bilang kalihim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
 
Nagdeklara si Duterte ng unilateral na pagtigil ng pag-atake ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at ng Philippine National Police (PNP) laban sa CPP-NPA-NDFP noong Hulyo 25, araw ng kanyang unang State of the Nation Address (SONA) upang walang maging balakid sa usapang-pangkapayapan.
 
Ang masama, hindi na nga agad nagdeklara ang CPP na itigil ang pag-atake ng NPA sa armadong puwersa ng pamahalaan, pumatay pa ito ng isang CAFGU at sinugatan ang limang sundalo.
 
Sa halip na magdeklara ang CPP-NPA-NDFP ng pagtigil ng atake sa mga puwersa ng pamahalan, binatikos pa ni Sison si Duterte dahil masyadong apurado raw ang Pangulo.
 
Ngayong nasa bingit ng alanganin ang usapang pangkapayapaan, tulad ng dati, igigiit ni Sison na kasalanan ito ng pamahalaan at hindi ng CPP-NPA-NDFP—at lalong hindi niya.

 

You May Also Like