Kape at Gatas magtutuos sa PBA

Kape kontra Gatas.
Iyan ang matutunghayan sa pagtatapat ng SanMig Coffee at Alaska Milk sa PBA Commissioner’s Cup Miyerkules sa Smart Araneta Coliseum.

Bukod sa paghugot ng ikatlong panalo sa anim na laro ay puntirya din ng SanMig Mixers na mabahiran ang malinis na kartada ng Alaska Aces na hindi pa natatalo sa limang laban.

Patuloy na aasa ang SanMig sa import nitong si Denzel Bowles na siya ring naghatid sa kanila sa kampeonato sa naturang torneyo noong isang taon. Huhugot naman siya ng suporta kina Joe Calvin Devance, Marc Pingris, Mark Barroca, Peter June Simon at ang two-time Most Valuable Player (MVP) ng liga na si James Yap.

Galing sa dalawang sunod na panalo ang SanMig laban sa Talk ‘N Text, 90-82, noong Pebrero 24 at kontra GlobalPort, 91-84, noong Sabado sa Jesse Robredo Coliseum sa Naga City.

Hindi naman magiging madali para sa Mixers na masungkit ang ikatlong diretsong panalo dahil mabigat na kalaban ang nangungunang Aces.

Ang Alaska ay patuloy na sasandal kina JVee Casio, Calvin Abueva, Cyrus Baguio, Joachim Thoss, Gabe Espinas at import na si Robert Dozzier.

Ang Alaska ay galing sa nakabibilib na 92-69 panalo kontra sa reigning Philippine Cup champion Talk ‘N Text noong Biernes.
Sa larong iyon ay limang manlalaro ng Alaska ang umiskor ng double-digit sa pamumuno ni Dozzier na nagtapos na may 23 puntos bukod pa sa 18 rebounds at limang assists.

Sa isa pang laro sa Miyerkules ay magkakasubukan naman ang Air21 at Meralco.

Ang Air21 Express ay galing sa 53-60 kabiguan laban sa Petron Blaze noong Biernes habang naungusan naman ng Meralco Bolts ang GlobalPort, 90-89, noong Pebrero 24.

Samantala, noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum din ay tinambakan ng Petron ang Barako Bull, 91-78, at binigo naman ng Rain or Shine ang Barangay Ginebra, 96-93.

You May Also Like