Kapag Palay na ang Lumapit… Tutuka Ka Ba?

Maraming relasyon ang nasisira dahil sa ‘third party’, lalo na kung ang relasyon ay bilang mag-asawa na pinagbuklod ng Panginoon, ngunit hindi pinagtibay ng tao.

Si Conrad ay may asawa at 3 anak, palakaibigan, masayahin, masipag, isang responsableng ama at mapagmahal na asawa. Isa sa mga malapit na kaibigan ni Conrad ay si Eba, isang ‘tradisyunal’ na babae sa unang tingin at ninang ng panganay nyang anak.

Sawi sa pag-ibig si Eba at lagi niyang nahihingahan ng sama ng loob si Conrad, dahil dito halos araw-araw na sinasabayan ni Eba sa pag-uwi si Conrad, dinadalhan ng pagkain, ka-text maya’t maya, alam nila ang ginagawa sa bawat oras, at iba pa.

Marami ang nakapapansin sa ‘extra sweetness’ at pagiging malapit na magkaibigan nina Conrad at Eba — ultimong mga katrabaho nila sa kani-kanilang opisina. Hanggang sa may isang naglakas-loob na paalalahanan sila, ngunit ito ay binalewala nilang dalawa sa dahilang, ‘wala naman kaming ginagawang masama’.

Hindi kalaunan ay biglang nagbago ang ugali ni Conrad, naging bugnutin ito, madaling magalit, naiinis kapag nalaman na may nagkakagusto kay Eba at nagagalit kapag nakaririnig ng hindi maganda tungkol rito, ngunit si Eba ay kabaligtaran dahil sa kabila ng alam niyang pamilyadong tao si Conrad ay masaya siya na animo’y pinoprotektahan siya ni Conrad.

Hanggang sa mga kaibigan na mismo ni Eba ang pumuna sa kanya, ngunit tila walang narinig at bingi sa mga paalala.

Ang ganitong eksena para kay Eba ay hindi bago, dahil para sa kanya ay wala siyang ginagawang ‘mali’.

Bago pa man naging nobyo ni Eba si Abril (ang dahilan ng kanyang pagkasawi sa pag-ibig) ay mayroon itong nobya, sa kabila ng pagiging magkaopisina nilang tatlo ay nagawa ni Eba na ‘akitin’ si Abril sa pamamagitan ng pagyakap-yakap, pag-dampi ng maseselang bahagi ng katawan at pag-hilig sa balikat ng lalaki.

Dahil sa mga karakter na ito ni Eba, ika nga, ‘palay na ang lumapit sa manok’ na sinamantala ni Abril at naging dahilan ng paghihiwalay nila ng kanyang nobya.

Ang relasyon ni Eba at Abril ay tumagal ng taon, ngunit nauwi din sa hiwalayan.

Sabi nga ng Golden Rule, ‘do not do unto others what you do not want to do unto you’.

May mga bagay na hindi na kinakailangang maging literal upang maging isang kamalian, ganito ang nangyari sa panig nina Conrad at Eba. Kahit hindi literal na ‘wala silang ginagawang mali’ hindi nararapat ang ginagawa o ang karakter ni ipinapakita nila sa isa’t isa.
Dahil si Conrad ay pamilyadong tao, marapat lamang na maging sensitibo si Eba sa kung ano ang mararamdaman ng asawa at anak ni Conrad sa mga ipinapakita niya.

Hindi rin akma para sa isang dalagang tulad ni Eba ang ikinikilos niya, marapat lamang na bigyan niya ng dignidad ang kanyang pagkababae at irespeto ang sarili upang mahanap niya ang tunay na magmamahal sa kanya.

At para kay Conrad, hindi pa huli ang lahat. Respeto para sa pamilya niya ang kailangan at pagtibayin ang pagmamahalan nilang mag-asawa para hindi pa-kaliwa ang landas na tahakin, higit kaninuman sa sitwasyon niyang ito, ang kanilang anak ang masasaktan.
Ikaw?… kapag palay na ang lumapit, tutuka ka ba?

[Ayie Dela Cruz]

You May Also Like