Kapag iniintindi, tumitindi ang pananampalataya

DSC_0143Maraming mga bagay ukol sa pananampalataya na hindi pinahahalagahan (“taken for granted” ‘ika nga), pero kapag iniintindi – tulad ng mga Katolikong nakausap namin – ay nakapagpapalalim ng pananampalataya.

Tulad ng kahit anong bagay (o relasyon) na hindi inaalagaan, madaling makalimutan ang halaga nito sa buhay natin. Ang pananampalataya, kapag hindi pinag-aaralan o sinasariwa, ay ganoon din. Pero tulad din ng tao (kaibigan man o mga iniidolo), kapag mas kinikilala ang pananampalataya o ang Panginoon ay nagiging mas matindi pa.

May inang laging nagdadasal para sa kanya
“Hindi ko na-appreciate dati yung turo ng Simbahan tungkol kay Maria. Sa tingin ko dati ay sobrang taas ng trato kay Maria na parang ka-level na niya ang Diyos,” kwento ni Aaron Ching. Matapos niyang mas seryosohin ang kanyang pagka-Katoliko at lumalim ang kanyang pagkakaintindi sa mga bagay-bagay, nakita niyang mali pala ang kanyang paniniwala dati. Nakatulong ng husto ang kanyang pagdarasal at pagbabasa ng mga turo ng Simbahan upang matanggap niya ang katotohanan tungkol sa papel ni Maria sa buhay ng Katoliko, paliwanag ng inhinyero.
“Nakakatulong [ang pagkakaintindi ko nito] kasi mas naging maayos ang pagdarasal ko. At mas umayos ang paniniwala ko sa turo ng Simbahan. At saka alam ko na mayroon akong ina na lagi akong ipinagdarasal,” dagdag ni Ching.
Si Meldy Fider naman ay nag-aral sa eskwelahang walang katesismo, at hindi pinag-uusapan ang relihiyon sa kanyang tahanan dahil magkaiba ang pananampalataya ng kanyang ina at ama. Kakaunti ang kaalaman niya ukol sa mga turo ng Simbahang Katolika sa kabila ng kanyang pagiging Katoliko.

‘Mas Katoliko na ako ngayon’
“Dati madalas kong pinipintasan yung mga Catholic traditions.. .hanggang sa pinadala ako ng Panginoon sa isang pilgrimage sa Vatican, Lourdes sa France, at iba pa,” kwento ni Fider na isang nagdi-disenyo ng mga produkto.
“Ipinakita sa akin ng Diyos ang richness ng ating pananampalataya at ang pangangailangang ibahagi din ito sa iba, lalo na yung Salita Niya at lalo na sa mga mahihirap. Kung iwanan natin ang pananampalataya natin, sino ang magpapakita ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos sa mga Katoliko? Kailangan ding matutunan ito ng mga Katoliko.”
Natutuwang kwento pa ni Fider na naging buhay at nagbunga ang pananampalataya niya “dahil sa paglingkod sa mga mahihirap at pagbahagi ng Salita ng Diyos. Masasabi kong mas Katoliko na ako ngayon. God is merciful and did not allow me to remain ignorant!”

‘Di ka talaga nag-iisa’
Ang nakapagpatindi sa pananampalataya ni Lara Martin ay ang turo ng Simbahan tungkol sa communion of saints, o komunyon ng mga banal, “kasi dito mo makikita na di ka talaga nag-iisa. Lagi kang may kaibigan sa langit, o kahit sa purgatoryo.”

Dahil sa pag-iintindi niya sa konseptong ito, na kung saan ang pagiging banal ng bawat Kristiyano ay nakatutulong sa pagkabanal ng ibang tao sa mundo, ramdam niyang tila “may matatakbuhan ako for every concern!”

Ano ang epekto nito sa buhay-pananampalataya ni Martin?
“Mas natitibayan ako ng loob kasi kahit anong pagsubok ang hinaharap ko, alam kong may kakampi ako at laging nagdadasal para sa akin. Hindi tuloy ako basta-basta na mawawalan ng pag-asa,” paliwanag ng manunulat.

You May Also Like