Kaninong Karapatang Pantao ba ang Ipinagtatanggol ng mga Komunista, Maka-Kaliwang Samahan, Dilawang Pangkat, at Taga-pagtanggol ng Karapatang Pantao?

 

 

IPINAGDIWANG ng mga Pilipino ang pandaigdigang araw ng karapatang pantao nitong Disyembre 10, ngunit nakababahala ang nilalaman ng naganap na pagdiriwang ngayong taon.

Binatikos kasi ng mga komunista, maka-kaliwang puwersa, dilawang pangkat, at mga organisasyong nagtatanggol sa karapatang pantao ang pamahalaan, partikular si Pangulong Rodrigo Roa Duterte, hinggil sa madugong kampanya laban sa iligal na droga sa Pilipinas.

Anila, mali ang pagpatay sa mga sangkot sa iligal na droga.

Idiniin nila na tahasang paglabag sa karapatang mabuhay ng mga sangkot iligal na droga ang pagpatay sa kanila.

Sa rekord ng Philippine National Police (PNP), ang mga napapatay ng mga pulis ay iyong mga nanlaban sa kanilang sa gitna ng operasyon at iyong itinumba ng mga hindi kilalang mamamatay-tao.

Pagsamahin nating lahat ang bilang, ang mga namatay ay mga drug lord, drug dealer, at notoryus na mga adik.

Napakalinaw ng pahayag ng mga komunista, maka-kaliwang samahan, dilawang pangkat, at mga asosasyong taga-pagtanggol ng karapatang pantao na sa kanilang pagbatikos sa administrasyong Duterte, o kay Duterte mismo, ay solido nilang ipinagtatanggol ang karapatang pantao ng mga drug lord, drug pusher, at notorsyus na mga adik.

Ang epekto nito ay ipinagtanggol din nila ang karapatan ng mga protektor ng mga drug lord.

Ang mga protektor na ito ay nakakalat sa tatlong sangay ng pamahalaan: ehekutibo, lehislatura, at hudikatura.

Pagkatapos, binatikos nila nang todo-todo ang pagkakahimlay ng mga labi ni Pangulong Ferdinand E. Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB) dahil napakaraming krimen ang nagawa ni Marcos noong Pangulo siya ng bansa mula 1965 hanggang 1986, mahigit 30 taon na ang nakalilipas.

Ngunit, hindi nila binuhay at binatikos ang talamak na paglabag ni Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino III sa karapatang pantao ng mamamayan, gayong mahigit pa lamang sa limang buwan natatapos ang termino ni Aquino.

Sa panahon ni Aquino, 300 katao rin ang naging biktimaa ng extrajudicial killings (EJKs).

Maliit kung ikukumpara sa kasalukuyang administrasyon, ngunit ang punto ay mayroong EJKs.

Samakatuwid, mayroong paglabag sa karapatang pantao.

Mayroong mga kinibnap na hanggang ngayon ay hindi pa nakikita.

Matindi rin ang militarisasyon sa Mindanao, partikular sa pamayanan ng mga Lumad.

Ang mga masama kay Aquino, nangako siya noong nangangampanya pa lamang siya para maging Pangulong ng Pilipinas noong 2010 na reresolbahan niya ang talamak na paglabag sa karapatang pantao noong termino ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, ngunit hindi tinugunan ni Aquino.

Ang totoo pa nga ay walang ginawa at sinabi si Aquino upang resolbahan ng Commission on Human Rights (CHR) ang talamak na paglabag sa karapatang pantao sa bansa.

Pumalpak na nga ang CHR noong panahong pinamunuan ito ni Leila de Lima, ngunit itinalaga pa ni Aquino si De Lima bilang kalihim ng Department of Justice (DOJ).

Ang nararapat na ipagtanggol at ipaglaban ng karapatang pantao ng mga komunista, maka-kaliwang samahan, dilawang pangkat, at mga organisasyon ng mga taga-pagtanggol ng karapatang pantao ay iyong karapatang pantao ng mga mahihirap, nagugutom, manggagawa, magsasaka, manggagawang bukid, mangingisda, guro, at mga journalist—at hindi ang karapatang pantao ng mga kriminal.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like