Kampeonato ng Tiong Lian, inangkin ng Hope Christian

story 3-Hope ChristianSa nakalipas na dalawang season ng Metro Manila Tiong Lian Basketball Association (MMTLBA) ay narating ng Hope Christian High School ang finals ng juniors division subalit sa parehong pagkakataon ay bigo itong maiuwi ang kampeonato.

Kaya naman nang muling pumasok sa finals ang Hope Christian sa taong ito ay siniguro nitong hindi na ito uuwing luhaan.

Huwebes ng gabi sa Chiang Kai Chek College gym ay tinalo ng Hope Christian ang Xavier School, 62-55, sa Game 3 para manaig sa finals series, 2-1, at maging kampeon sa kauna-unahang pagkakataon mula 1993.

Ginawa ni Arjan dela Cruz ang walo sa kanyang 29 puntos sa fourth period para pangunahan ang Hope Christian sa Game 3. Mayroon din siyang 11 rebounds at kasama si John Apacible na may 15 rebounds ay nadomina ng Hope Christian ang Xavier School sa rebounding department, 54-44.

Nakauna sa serye ang Hope Christian nang makahirit ito ng 74-66  panalo sa Game 1 subalit nakabawi ang Xavier School sa Game 2, 80-74, sa likod ng 31 puntos mula kay Kyles Lao, ang top-scorer ng torneyo.

Nalimita naman si Lao sa 18 puntos at 5-of-20 shooting lamang sa Game 3.

Nagharap din sa juniors finals ang dalawang koponang ito noong 2011 ngunit nanalo noon ang Xavier School, 2-1. Noong isang taon ay nakuha ng Hope Christian ang No.1 spot at nakabalik sa finals ngunit tinalo sila rito ng No.3 Chang Kai Chek, 2-0.

You May Also Like