Kampeonato naagaw kay Donaire

story 3-DonaireNagpakita ng magandang laban si Nonito Donaire Linggo ng umaga sa Radio City Music Hall sa New York ngunit hindi ito naging sapat para manalo kay Guillermo Rigondeaux ng Cuba.

‘Di hamak na mas mabilis at mas malakas ang kasalukuyang WBA super bantamweight champion na si Rigondeaux para manaig via unanimous decision (114-113, 115-112 at 116-111) at maagaw din kay Donaire ang WBO super bantamweight belt.

Ito ang unang kabiguan ni Donaire sa loob ng 30 laban mula 2001.

‘’I apologize. I wanted to deliver. During the last two rounds, I got stupid. I didn’t do my job. I didn’t use my jab and go to my left. I have no excuse,” sabi ni Donaire, ang pinarangalang 2012 Fighter of the Year ng Professional Boxing Writers Association.

“He beat me tonight. I gave it all I got. I never studied the fight and I should have.’’

Dahil naipanalo ni Donaire ang lahat ng kanyang apat na laban noong isang taon at dahil sa tanggap na kaliwa’t kanan na parangal mula sa iba’t-ibang grupo ay nagdududa ang karamihan na baka sumobra ang kumpiyansa niya papasok sa labang ito. Kumpara kay Donaire ay maituturing na baguhan pa lamang si Rigondeaux ngunit hindi pa siya natatalo sa loob ng 12 professional fights at sumalang siya sa mahigit 400 amateur bouts.

Noong Linggo ay nakapagpatama ng 129 sa 396 pinakawalang suntok si Rigondeaux habang si Donaire ay may 82-of-352 accuracy lamang.

Bumagsak naman sa umpisa ng 10th round si Rigondeaux pero ayon sa reperi na si Benjy Esteves, hindi ito knockdown dahil nadulas lamang ang kampeon. Hindi naman ito ininda ni Rigondeaux dahil sa puntong iyon ay malayo na ang kanyang lamang sa iskor. Gayunpaman, sa huling dalawang rounds ng sagupaan ay muling naging agresibo si Rigondeaux habang hindi makasagot si Donaire.

Ito ang ikatlong sunod na kampeonato na nabitawan ng Pinoy sa larangan ng boxing.

Noong isang taon ay natalo ng dalawang beses si Manny Pacquiao laban kina Timothy Bradley at Juan Manuel Marquez at kamakailan lamang ay nabigo si Brian Viloria na maidepensa ang kanyang WBO at WBA flyweight titles kontra Juan Francisco Estrada.

You May Also Like