Kakaibang Pangulo

 

 

 ANG listahan ng 158 katao na isiniwalat ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na pawang sangkot sa iligal na droga ay dati nang nakarating kay dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino 3rd, ngunit hindi niya ito isinapubliko tulad ng alam nating lahat.
 
Iyan ang kumakalat sa social media ngayon, ngunit hindi malinaw ang dahilan kung bakit pinalulutang ang anggulo na ‘nakarating’ sa atensiyon ni Aquino ang listahan ng mga nagtatrabaho sa pamahalaan na mga protektor ng mga sindikato ng droga, o mga taong pasok sa iligal na negosyo ng droga.
 
Kung totoo mang nakarating kay Aquino ang listahan, pero hindi niya isiniwalat, iisa lamang ang ibig sabihin nito at iyon ay hindi ginampanan ni Aquino ang kanyang tungkulin, reponsibilidad, at pananagutan bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas.
 
Malaking bagay na mismong Pangulo ng bansa ang nagsiwalat na may mga taong nakapuwesto sa pamahalaan na kundi man protektor ng sindikato ng droga, e pasok sa negosyo ng droga.
  
Ang pagbabalewala ni Aquino sa listahan ay nangangahulugang hindi niya ginustong masawata ang droga sa Pilipinas kung saan napakatalamak na nito.
 
Napakarami nang tao mula bata hanggang matanda ang biktima ng ipinagbabawal na gamot.
 
Napakarami nang taong nawasak ang kinabukasan nang dahil sa bawal na gamot.
 
Kung tutuusin, napakatagal nang panahon na maraming tao ang nabiktima at nawasak ang buhay nang dahil sa droga, ngunit hindi matigil-tigil ng pamahalaan.
 
Ngayong ang Pangulo ng bansa ay isang tulad ni Rodrigo R. Duterte na galit sa droga, na gustong tuldukan ang bawal na gamot sa bansa, na gustong patigilin ang lahat ng sindikato ng shabu hanggang sa walang matira kahit ay wasto lamang na suportahan siya nang todo ng mamamayang Pilipino.
 
Napakagandang pagkakataon ito para sa ating lahat dahil ang Pangulo ng bansa ay kakaiba sa lahat.
 
Si Duterte lang ang hindi nagdalawang isip na ibunyag ang limang heneral na protektor ng mga sindikato ng droga.
 
Si Duterte lang ang nagsiwalat ng tatlong pangunahing hari sa negosyo ng shabu sa Pilipinas. Ayon kay Duterte, sila ay sina Peter Co, Herbert Colayco, at Peter Lim.
 
Si Duterte lang ang nagpamukha sa ating lahat kung gaano kalawak ang nasasakupan sa pamahalaan ng mga sindikato ng droga.
 
Sa korte, sa pulis, sa alkalde, sa bise-alkalde, sa kongresista, at iba pa. Halos lahat pasok sa iligal na droga.
 
Idiniin sa atin ni Duterte kung gaano katindi at kalawak ang operasyon ng sindikato ng droga.
   
Lahat-lahat, higit na sa 160 katao ang pinangalanan ni Duterte mula pa kina Marcelo Garbo, Vicente Loot, Joel Pagdilao, Edgardo Tinio, at Bernardo Diaz hanggang doon sa 158 katao nitong Linggo.
 
At hindi pa tapos.
 
Mayroon pang susunod na mga pangalan ang ibubunyag ni Duterte.
 
Ibang klaseng Pangulo si Duterte.
 
Sana, pagkatapos ng kanyang termino ay baldado na ang operasyon ng sindikato ng droga sa Pilipinas.

You May Also Like