Kabataan, nangangailangan ng payo tungkol sa pre-marital sex

MANILA— Sa gitna ng mainit at nakagugulat na balita na 1 sa bawat 3 kabataang Pinoy ay nakaranas na ng pre-marital sex, iminumungkahi ng isang obispo na lalong paigtingin pa ang mga counseling services para sa kabataan upang magkaroon ng oportunidad na mapag-usapan ang mga ganitong isyu.

teenange love

Ayon kay Cubao Bishop Honesto Ongtioco, isang hamon sa mga pinuno ng Simbahan na patuloy gabayan at kausapin ang mga kabataan tungkol sa pagpapaliban ng pakikipagtalik.

Isang partikular na paraan ay ang paglalaan ng counseling services na maaaring maging isang daan naa-access ng mga kabataan.

Inamin naman ni Bishop Ongtioco na ang Simbahang Katolika ay “marami pang kailangang gawin para sa kabataan.”

Ayon sa 2013 Young Adult Fertility and Sexuality Study, isa sa bawat 3 kabataang Pilipino, edad 15 – 24 ay nagkaroon na ng sekswal na relasyon bago ikasal.

Ito ay may 14% pagtaas kung ikukumpara sa istatistika ng 1992, ayon sa isang pagsusuri ng University of the Philippines Population Institute.

“Dapat lalo tayong hamunin ng resulta ng pagsusuri na paigtingin ang formation ng mga kabataan tungkol sa tunay na values na kailangan nila sa proseso ng kanilang pagiging ganap na tao,” dagdag ni Ongtioco.
Ayon naman kay Fr. Conegundo Garganta, executive secretary ng Episcopal Commission on Youth, nakababahala ang bilang ng mga kabataang sexually active.

Ayon sa pagsusuri, tinatayang 6.2 milyong kabataan ang nakipagtalik na bago pa man ikasal.
“Kung ‘yan ang napagalaman ng kanilang pagsusuri, nakababahala,” ani Garganta.

You May Also Like