Kabadong manliligaw

Dear Ate Ami,

Ako po ay 26 years old at in love sa kaibigan ko. Siya ay isang high school teacher, at maganda po siya at mabait. Mga limang buwan na mula nung nagtapat ako sa kanya tungkol sa kagustuhan kong maging gf ko siya, at sinabi kong ang plano ko balang araw ay pakasalan siya. Dito rin po siya nakatira sa may amin at nung 2007 po kami nagkakilala (pero may bf po siya noon).

Paano ko po ba maipapakita sa kanyang mahal na mahal ko siya at malinis ang aking hangarin? Sigurado na po akong siya ang gusto kong maging kasama habang buhay kaya nagtatrabaho ako nang mabuti para maging handa akong bigyan siya at ang magiging pamilya namin ng magandang kinabukasan (network administration po ang linya ko). Pero kabado ako dahil may isa pa siyang manliligaw. Kahit ayaw kong aminin, parang mas angat po siya kaysa sa akin. Ang laking tuwa ko po siguro kung mawawala na lang sana siya! Pero tanggap ko na pong siya ang karibal ko, so mayroon po ba kayong maipapayo para lumakas ang loob ko kahit na pwedeng sa ibang lalaki mapunta ang minamahal ko? At para mapasaakin ang minamahal ko dahil mahal na mahal ko talaga siya.

– Romy

ate amiHay naku, Romy, naduduling ka na yata sa pagkahumaling diyan sa “mahal” mo. Wala ka namang gasinong sinabi tungkol sa kanya except that “maganda siya at mabait”. So what? Ang ganda ay madaling makita ng mga mata, pero ang kabaitan, sinusubok iyan ng panahon. Paano mo nasabing “mabait” siya—nakita mo na ba siyang magalit? Ano ang mga ikinagagalit niya? How does she behave when she’s angry? Isa pa lang iyan. Ikalawa, paano siyang gumalang sa mga magulang niya? Masunurin ba siya o pasaway? Kapag napapagsabihan siya ng mga magulang, paano siya nangangatuwiran? O tumatahimik na lang ba siya pero gagawin din niya ang ipinagbabawal ng mga magulang niya? Pero dumako muna tayo sa tunay na problema mo.

Unang una, ang problema mo ay hindi kung papaano mo maipapakita sa kanya na mahal na mahal mo siya kungdi kung papaano mo mapapaniwala ang sarili mo na ikaw ay handa nang magmahal nang panghabang-buhay. Iyon ang tutukan mo.Napaalam mo na sa kanyang mahal mo siya, at nasabi mo na rin sa kanyang siya ang gusto mong makasama habang buhay. Ke sinagot ka na niya o hindi pa, hindi iyon ang dapat mong ikabahala, kungdi ang pagkakaroon mo ng lakas ng loob, para kahit sinong Poncio Pilato ang maging karibal mo, magiging matatag ka.

Saan manggagaling ang lakas ng loob mo? Sa tunay na pagkilala sa sarili. Kung Kristiyano ka, talos mong ikaw ay mahalaga sa mata ng Diyos pagka’t anak ka Niya. Hangad Niya only the best for you, kaya’t magiging masunurin kang anak at hindi gagawa ng ikasisira mo. Pundasyon iyan ng paghahanda mo sa kinabukasan bilang isang padre de pamilya. Susukatin mo ang iyong mga kakayahan at maghahanapbuhay ka nang naaayon. Ihahanda mo ang iyong damdamin para maayos kang makikitungo sa mga in-laws mo, at maging mapagmahal na asawa at magulang. Magiging madunong ka sa paghawak ng pera alang-alang sa future family mo—masinop, wala kahit anong bisyo. Ayan, maganda nang simula iyan; hindi mo namamalayan, lumalakas na ang loob mo. Kapag handa ka nang alukin siya ng kasal, hindi ka kakabahan, pagkat batid mong mapalad ang babaeng tutugon sa pagmamahal mo. Kung tatanggapin ka niya, eh di masaya! Kung iba ang pipiliin niya, hindi ka malulungkot, dahil hindi ikaw ang mawawalan kungdi siya. Keep on being a good person. In due time, you’ll get what you so richly deserve!

– Ate Ami

You May Also Like