JV Ejercito at Zamora, pinalaya ng Sandiganbayan

PINAYAGAN ng Sandiganbayan sina Senador JV Ejercito at San Juan City Vice-Mayor Francis Zamora na “pansamantalang makalaya” matapos magpiyansa ang dalawang ito ng tig-P6,000 kaugnay sa kasong “technical malversation” isinampa sa kanila at 13 pang opisyal ng pamahalaang lokal ng Lungsod ng San Juan.

Ang kaso nina Ejercito, Zamora at iba pa ay may kinalaman sa kuwestiyonableng pagbili ng matataas na kalibre ng mga baril sa halagang P2.1 milyon gamit umano ang pondo sa kalamidaad ng San Juan City noong 2008.

Si Ejercito ang alkalde ng Lungsod ng San Juan ng maganap ang insidente.

Konsehal naman noon si Zamora.

Ayon sa rekord ng ika-6 na dibisyon ng Sandiganbayan, tuloy ang paglilitis sa kaso sapagkat may ebidensiyang inihain ang Office of the Ombudsman.

Sabi pa rin nito, sa paglilitis matutukoy kung mayroong “sapat na dahilan o wala” upang ituloy o hindi ang kaso.

Ang puntong ito ng sandiganbayan ay sagot sa mosyon ni Ejercito na tukuyin ng korte kung may matibay na dahilan upang ituloy ang kaso.

Ayon sa rekord ng korte, ang P2.1 milyon ay nakalaan sa kalamidad at hindi pambili ng mga baril.

Ang paggamit ng pondo ng anumang organo ng pamahalaaan nang hindi naaayon sa itinakdang paggagamitan nito ay itinuturing na “technical malversation of public funds,” isang kasong kriminal dito sa Pilipinas.

Kapwa sina Ejercito at Zamora ay nagsabing gusto na nilang mapabilis ang paglilitis ng kaso upang mapatunayang wala silang kasalanan.

Idiniin ni Zamora na ang konsehal tulad niya nang maganap ang krimen ay hindi dapat isinama sa kaso, sapagkat ang papel nila ay gumawa ng batas.

Ayon naman kay Ejercito, nakasaad sa supplemental budget ng pamahalaang lokal ang pondong ginamit sa pagbili ng mga baril.

Itinakda ng ika-6 na dibisyon ng Sandiganbayan sa Hulyo 18 ang simula ng paglilitis kina Ejercito at Zamora. (Joel Operario)

You May Also Like