Isyu ng Pork Barrel matatapos na nga ba kay Ruby Tuason?

vol 2 no 2

Matapos lumutang at maging state witness ang isa sa mga kinasuhan ng plunder sa pagkakasangkot sa P10-bilyones na pork barrel scam at maling paggamit ng Malampaya fund, marami sa ating mga kababayan ang umaasang matatapos at mananagot na ang mga may sala. Isang pag-asang magdadala sa kaginhawan.

Nitong Biyernes dumating mula sa Estados Unidos si Ruby Tuason at sinalubong ng matinding seguridad dahil diumano sa banta sa kanyang buhay. Isisiwalat diumano ng dating empleyado ni Senador Jinggoy Estrada at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada na si Ruby Tuason ang lahat ng kanyang nalalaman tungkol sa pork barrel scam na siyang magtatapos sa naturang isyu.

Ganito rin ang pananaw ni pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Ayon sa pangulo, “‘Yung sinabing magtetestify siya, mayroong isa na magkumpleto ng proseso, magtatahi, mag-reaffirm ng mga allegations ng ating whistleblowers, so mas mapapatibay ang ebidensya.”

Ngunit tila parang sigurado na ang pangulo na ang mga sinasabing sangkot ay may sala kahit hindi pa nagsisimula ang paglilitis. Ang prosesong magpapatunay sa pagkakasala sa korte ay hindi maaaring maging mapagpabor at dapat mabigyan ng sapat na pagkakataon maging ang tila may mga sala na sagutin ang mga paratang at depensahan ang sarili. Hindi na bago sa atin na kapag ganito ang takbo ng hustisya madalas ang nakukulong ay ang walang sala. Nakalilimutan din ata ng pangulo na siya ay pangulo ng lahat ng Pilipino maging ng mga nakagawa ng mali at labag sa batas.

Idiniin din naman ng pangulo ang kasigurohan na nasa ebidensya ang sagot. Aniya, “Sabi ko nga sa sambayanan, kung saan tayo dadalhin ng ebidensya, doon tayo tutungo. So makakatulong ‘to sa pagsasara sa kabanata nito na nangyaring pang-aapi sa sambayanan.” Subalit, tila isinasarado sa ganitong pananalita ang nasabing kaso, maging ang malawakang nakawan sa gobyerno.

Kung mananatili ang ganito, maaaring mahubog ang kaisipan ng mamamayan na iilan lamang ang mga magnanakaw sa gobyerno kahit pa alam natin na kaya nga nagpapatayan ang mga pulitiko at nagbubuhos ng sandamakmak na salapi tuwing eleksyon ay dahil sa laki ng makukurakot kung sakaling maupo sa puwesto.
Isa pang kapansin-pansin ay kung ano ang init sa mga sangkot sa P10 bilyong pork barrel scam ay siya namang kaluwag ang dipensa sa mga taong malapit sa pangulo. Ilan dito ay sina Department of Budget and Management secretary Butch Abad at si Department of Agriculture secretary Proseso Alcala na may kasong plunder mula sa pagbubulsa diumano ng P457.2 milyong pondo mula sa pag-aangkat ng bigas mula sa Vietnam.

Isa pa, bakit kung ang mga nadadawit ay bata at malapit sa pangulo ay tila hindi gaanong naipapalabas o nasusulat at kung mailathala man ay hindi man lamang tumatagal pag-usapan at mabilis pa sa alas-singko ay wala na sa kaisipan ng tao? Gaya nalang ng pagkakasangkot ng pangulo sa kasong plunder na itinutulak ng mga maralitang magsasaka na grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) kung saan kasama ang pangulo maging si Janet Lim Napoles sa kasong pandarambong kung saan nakitaan sa audit ng National Agri-Business Corporation o Nabcor, isang korporasyon ng gobyerno sa ilalim ng departamento ni secretary Alcala ang halos P1.35 bilyong halaga ng pork barrel na nanakaw.

Kung magpapatuloy ang ganito, ‘di kataka-takang maniniwala nalang nang basta-basta ang sambayanang Pilipino, habang mananatili ang korapsyon sa ating bansa. Panahon na upang maging mapagmatyag at huwag hayaang basta na lamang madala sa mga napapanood sa TV at nababasa sa dyaryo. Magbantay tayo!

You May Also Like