Iskolar ng bayan, pondo mo ay nasaan?

yenKamusta na, mga Isko at Iska? Hindi nakaligtas ang ating sintang paaralan, ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa iskandalong kinakasangkutan ng mga pulpol na politikong nasa posisyon ngayon.

Ang P11.3 million diumano na dagdag pondo para sa mga PUP scholars ay hindi nagamit sa loob ng isang dekada?
Ito ang pahayag ng Commission on Audit (COA). Ang pondo na ito ay galing sa Priority Development Assistance Fund (PDAF) na mainit na pinagtatalunan ngayon sa Senado at nasa gitna ng bilyong piso na korapsyon ng iba’t ibang pulitiko sa bansa.

Ang inyo pong lingkod ay pinalad na maging scholar sa PUP noong kolehiyo (2001-2005). Ibig sabihin, ngayon ko lang rin napagtanto na naabutan ko ‘yung sinasabing ‘isang dekada’ na hindi nagamit ang pondo para sa mga PUP scholars.

Para po sa kaalaman ng lahat, ang PUP-Office of Scholarship and Financial Assistance o OSFA ay hindi agad-agad nagbibigay ng scholarship fund. Ito ay dumaraan sa masusing imbestigasyon kung ang isang estudyante ba ay karapat-dapat na bigyan ng scholarship.

Natatandaan ko pa nga noong nag-aaply pa lang ako ng scholarship na ito, pinamukha sa akin na ako ay ulilang lubos (hindi ko na matandaan kung sino ang naginterview). Ang pinagtataka ko ay kung bakit ang mga kaklase ko ay nakakuha rin ng ganung scholarship nang walang kahirap-hirap, lalo na at may trabaho naman ang kanilang mga magulang.

Nakakasama lang ng loob na pagkatapos ng isang dekada ay mabubunyag na may ‘behind the scenes’ na kaganapan ika nga sa PUP-OSFA at ang mas nakalulungkot pang isipin ay maraming estudyante sana ang matutulungan ng halagang P11.3 million.

Binawasan ng gobyerno ang pondo para sa mga state colleges at universities lalo na ang PUP. Ayon sa mga ulat, mula 2-billion pesos ay bumaba sa 560-million ang pondo ng mga PUPIAN, ito ngayon ang pinaghahatian ng 22 PUP campuses sa buong bansa.

Ano na ang kahihinatnan ng mga mahihirap na gustong magkaroon ng edukasyon kung ang natitirang pag-asa nila ay hindi rin kayang manindigan para sa kanilang karapatan?

Sa halagang Php12.00/unit ito ay kayang kaya ng mga kabataan na gustong magkaroon ng magandanag kinabukasan. Sintang paaralan, tanglaw ka nga ba ng bayan?

You May Also Like