‘Isama ang hanay ng mga manggagawa at civil society groups sa peace talks’—Matula

Tahasang nanawagan ang isa sa mga aktibong organisasyon ng mga manggagawa sa bansa kay incoming President Rodrigo Duterte na isama ang mga hanay ng manggagawa at civil society groups sa usapang pangkapayapaan sa pagitan ng pamahalaan at komunistang grupo ni Jose Ma. Sison dahil sila rin ay naghahangad na tuluyan nang makamit ang pangmatagalang kapayapaan sa Pilipinas.

Sabi ni Atty. Jose Sonny Matula, muling nahalal na pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), mainam na makipagtalakayan din ang mga representante ng mga manggagawa at civil society organizations sa Communist Party of the Philippines-National Democratic Front of the Philippines (CPP-NDFP) sa babalangkasing adyenda tungo sa kapayapaan.

Ang FFW ay mayroong higit 200,000 kasapian sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ang pahayag ni Matula ay pasyang inaprubahan ng konbensiyon ng FFW na inilunsad sa Baguio City kamakalawa.

Ang posisyon ng FFW ay may kaugnayan sa muling pagbabalik ng pag-uusap sa pagitan ng CPP-NDFP at Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) hinggil sa pagkakamit ng pangmatagalang kapayapaan.

Unang nagkaroon ng pag-uusap ang dalawang partido noong si Corazon Aquino pa ang pangulo ng bansa.

Natigil, nabuhay, natigil ulit, at binuhay muli depende sa posisyon ng liderato ng pamahalaan dahil sa iba’t ibang dahilan, pangunahin na ang hindi pagkakasundo sa ilang espesipikong isyu.

Noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo, naudlot ang usapan ng CPP-NDFP at GRP dahil ayaw ipaatras ng pamahalaan sa Estados Unidos ang akusasyon ng huli kay Sison na ito ay “terorista.”

Mariing itinanggi ni Sison sa maraming pagkakataon na siya ay terorista.

Si Sison ang pinuno ng mga batang komunista na nagtatag ng CPP noong Disyembre 1968.

Si Sison ang consultant ng NDFP hinggil sa usapang pangkapayapaan sa GRP.

Sabi ni Matula, muling nahalal na pangulo ng FFW para sa 2016 hanggang 2021, ay naniniwalang dapat ding magsagawa ang administrasyong Duterte ng “pambansang konsultasyon” upang direktang malaman ang hinaing ng higit na nakararaming Pilipino kung anu-ano ang mga puntong nararapat pang isama sa adyenda ng kapayapaan, bukod sa ilang puntong napagkaisahan na ng CPP-NDFP at GRP sa nakalipas na mga administrasyon.

Sa ganitong hitsura ay magiging makabuluhan ang lalamanin ng usapang pangkapayapaan, tugon pa ng beteranong lider-manggagawa.

The peace process is a laudable move to end the armed conflict that makes the innocent civilians as collateral damage or victims of war women and children are the most affected,” paliwanag ng lider ng FFW.

Umaasa si Matula na ikukonsidera ni Duterte ang posisyon ng FFW. (Bernard Badilla-Toledo)

You May Also Like