Ipinagbawal na ang Fixer sa LTO at LTFRB

Ng: Tapat News Team (TMT)

HINDI nagpatumpik-tumpik ang mga pangunahing opisyal ng Land Transportation Office (LTO) at Land Transportation and Franchising Regulatory Board (LTFRB) sa pagsasabi sa mga operator ng bus na huwag na silang makikipag-transaksiyon sa mga fixer.

Ang pahayag nina LTO chief Edgardo Galvante at LTFRB chairman Martin Delgra ay naganap ngayong Martes ng hapon sa pakikipagdiyalogo ng mga ito sa mga operator ng bus sa Metro Manila.

Sumang-ayon naman si Usec. Anelli Lontoc, ang representante ni Transportation and Communication Secretary Arthur Tugade sa naturang diyalogo.

Idiniin ni Galvante na hindi niya pinayagan ang sinumang tao na magsilbing fixer sa pakikipagtransaksiyon sa sinumang opisyal ng LTO.

 

 

Aniya, bawal na ang mga fixer sa LTO.

Ayon sa Civil Service Commission (CSC), pinakamaraming fixer sa LTO.

Ito ay nangangahulugang talamak ang katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensiya.

Pumangalawa sa listahan ng CSC hinggil sa fixer ay ang Bureau of Customs (BOC).

Ibig sabihin, hindi pahuhuli sa katiwalian at korapsyon ang BOC.

Idiniin din ni Galvante na ang pagwasak sa iligal na operasyon ng fixer ay isa sa mga atas sa kanya ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ganoon din ang pahayag ni Delgra.

Sabi ni Delgra sa mga operator ng bus na magkakaproblema ang aplikasyon nila ng prangkisa kung sila ay makikipagtransaksiyon sa fixer.

Ngayon, kung patuloy nilang gagawin ang pakikipag-ugnayan sa fixer sa kabila ng kanyang babala, tiyak hindi aaprubahan ng LTFRB ang aplikasyon nila ng prangkisa.

Ang fixer ang nagsisilbing tulay ng korap na mga opisyal ng LTO at LTFRB sa mga motorista at negosyante upang kumita nang malaki sa masamang pamamaraan ang mga ito.

Sa ganitong paraan, yumayaman ang mga korap na mga opisyal ng pamahalaan, katulad ng mga nakapuwesto sa LTO at LTFRB.

Tiniyak naman ng LTO Press Club (LTO-PC) sa pamumuno nina Jan Sinocruz ng Remate at Nelson S. Badilla ng The Manila Times na mahigpit na babantayan ng mga mamamahayag na nagko-cover sa LTO at maging sa LTFRB ang masamang gawain ng mga fixer at kausap nilang korap na mga opisyal ng dalawang nabanggit na ahensiya ng pamahalaan.

You May Also Like