Ipinagbabawal ba ng Simbahang Katolika ang pagpaplano ng pamilya?

Noong 1968, nagpalabas ng encyclical letter si Pope Paul VI na tinawag na Humanae Vitae (Latin, “Buhay ng Tao”), kung saan isinasaad dito ang patuloy na turo ng Simbahan na mali ang paggamit ng artipisyal na kontraseptibo upang mapigilan ang pagbubuntis.

Ang artipisyal na paraan ay mali dahil ito ay intensyonal na pagsaway sa disenyo ng Diyos o ang tinatawag na “natural na batas.” Ang natural na halaga ng pagniniig ng mag-asawa ay upang makabuo ng supling. Ang kaakibat na ligaya dulot ng pagniniig ay dagdag ng Diyos upang naisin ng tao ang pagkakaroon ng anak. Ito rin ay nagpapatibay ng pagkakaisa ng mag-asawa, respeto at pagmamahal. Ang mapagmahal na pagsasama ay nagiging magandang tagpuan para sa pagpapalaki ng mga anak.

Ngunit, ang ligaya na dulot ng pagniniig ay hindi nagiging natural at delikado kung ginagawa lamang upang maramdaman ang sarap na dulot nito habang tinatanggal ang tunay na dahilan ng pagniniig – ang pagkakaroon ng anak. Hindi dapat inaabuso ang regalo ng Diyos na isang pakikibahagi sa pagbibigay ng buhay. Ito ay karaniwang nagdudulot ng hindi magandang pagsasama dahil na rin sa paglabag sa natural na batas.

Makabago nga ba ang artipisyal na paraan ng pagpipigil sa pagbubuntis? Sa katunayan may mga scrolls na natagpuan sa Ehipto, na pinaniniwalaang isinulat 1,900 taon bago ipinanganak si Kristo, na nagpapakita ng sinaunang mga paraan ng pagpipigil ng pagbubuntis – mula sa bulak upang sipsipin ang punla ng lalaki hanggang sa lason na inilalagay sa sinapupunan.
Ayon sa Bibliya, nagalit ang Diyos nang sadyang itapon ang punla para mapigilan ang pagbubuntis. Nasusulat sa aklat ng Genesis 38:8 “At sinabi ni Juda kay Onan, Sumiping ka sa asawa ng iyong kapatid, at tuparin mo sa kaniya ang tungkulin ng kapatid ng asawa, at ipagbangon mo ng binhi ang iyong kapatid. 9 At nalalaman ni Onan na hindi magiging kaniya ang binhi; at nangyari, na pagka sisiping siya sa asawa ng kaniyang kapatid, ay pinatutulo niya sa lupa, nang huwag lamang niyang bigyan ng binhi ang kaniyang kapatid. 10 At ang bagay na ginawa niya ay masama sa paningin ng Panginoon, at siya’y pinatay rin naman.” Samakatuwid, ikinagagalit ng Diyos ang ganitong paraan ng pagpipigil.

Ngunit mali nga bang pigilan ang pagbubuntis? Paano kung sa mag-asawang nagmamahalan ay kanilang gustuhin ang pagniniig, ngunit dahil sa kahirapan hindi na kayang magdagdag ng anak at tustusan ang mga pangangaliangan nito?

Alam ng Diyos ang mga ganitong pagkakataon. Kaya naman dapat maging malinaw na ang artipisyal na paraan ang siyang mali. Ang Diyos mismo ang nagtakda na hindi lahat ng panahon ang isang babae ay maaaring magbuntis. Samakatwid, ang pagkilala sa mga panahong tinatawag na ‘infertile’ o di’pertil ay maituturing na natural na paraan upang hindi magbuntis.

Ang pagniig sa ganitong panahon ay maaaring kalugod-lugod sa Diyos. Dapat ring tandaan ang pagniniig ay sagrado.

Marami ang natural na paraan ng pagpaplano ng pamilya at ang mga ito mismo ay itinataguyod ng Simbahan gaya na lamang ng napakaepektibong ‘Billings Method’ at iba pa. Importanteng magpakunsulta sa isang dalubhasang doktor upang malaman ang iba’t-ibang uri nito.

Ang mga natural na pamamaraan ng pagpaplano ng pamilya ay ligtas at sadyang walang gastos kung ikukumpara sa mga artipisyal na paraan gaya na lamang ng pildoras, IUD at injectibles kung saan marami na ang naitalang namatay dahil na rin sa mga masasamang epekto nito sa katawan ng isang babae.

(Mark Silva)

You May Also Like