Iligal na palaisdaan sa lawa ng Laguna sinimulan ang pagwasak

 

 

Ni: Marites Badilla
 
PINATUNAYAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na sa pagkakataong ito ay totohanan ang pagwasak sa iligal na mga palaisdaan sa Lawa ng Laguna.
 
Ang unang sinampolan ng Laguna Lake Development Authority (LLDA) ay ang 51 ektaryang pinaglalagakan ng mga bangus at karpa sa bayan ng Binangonan sa Rizal.
 
Ayon kay LLDA General Manager Neri Acosta, ang may-ari ng iligal na palaisdaan sa Binangonan ay si Teodor Espeque.
 
Umuulan-ulan pa nang pumunta ang demolition team ng LLDA at grupo ng Philippine Coast Guard bandang alas 8:00 N.U.  nitong Lunes sa palaisdaang tinawag na 7/11 Fish, Inc.
 
Wala si Espenque sa mga oras na iyon.
 
Ang humarap kina Acosta ay Ronaldo de Guzman, katiwala umano sa palaisdaan, at mga tauhan ng 7/11 fish Inc.
 
Tumagal ng 30 minuto bago tinuluyan ng LLDA demolition team at ng Philippine Coast Guard ang pagbaklas dahil sa mariing pagtutol ng pangkat ni De Guzman.
 
Ngunit, idiniin ni Acosta kay De Guzman at sa mga tauhan nito na bawal ang kanilang palaisdaan dahil hindi pribadong pag-aari ang lugar sa Lawa ng Laguna na kinalalagyan ng mga bangus at karpa.
 
Mabuti naman at nakinig sina De Guzman, kaya naiwasan ang marahas na pagbaklas ng mga bakod sa palaisdaan.
 
Ang operasyon ng LLDA ay nakabatay sa utos ni DENR Secretary Regina Lopez.
 
Matatandaang sinabi kamakailan ni Lopez sa media na hindi na maaaring manatili at mamayagpag pa ngayon ang mga iligal na palisdaan sa kahabaan ng Lawa ng Laguna.
 
Ang pahayag ni Lopez ay alinsunod sa patakaran ng administrasyong Duterte na bawal na ang iligal na mga palaisdaan sa nasabing lawa.
 
Binanggit ni Pangulong Rodrigo R. Duterte ang kanyang polisiya laban sa iligal na mga palaisdaan sa Lawa ng Laguna sa kanyang unang State of the Nation Address (SONA).
 
Ani Duterte, ang iligal na mga palaisdaan ay pagmamay-ari ng mga mayayamang negosyante at mga heneral na dapat tanggalin.
 
Talo ang mga maliliit na mga mangingisda sa ginagawaa ng mga negosyante at heneral, tugon ni Duterte.
 
Sa datos ng LLDA, mahigit 300 ang palaisdaan sa gilid ng Lawa ng Laguna, kabilang na rito ang mga walang permit mula sa LLDA.
  
Sabi ni Acosta sa media, marami pang wawasakin ang LLDA sa mga susunod na araw.

You May Also Like