Iligal na Droga Lang ba ang Suliranin ng Pilipinas?

 

KITANG-KITA na agresibo pa rin si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga dahil ipinatawag niya ang mga alkalde sa Malakanyang upang konprontahin hinggil sa umanoy pagkakasangkot nila sa nasabing suliranin ng bansa at mayroon nang patalastas ngayon si Duterte hinggil sa iligal na droga.

Malala talaga ang iligal na droga sa Pilipinas, sapagkat ang mga protektor nito ay nagkukubli sa tatlong sangay ng pamahalaan: ehekutibo, lehislatura, at hudikatura.

Kaya, nararapat lamang sugpuin ng pamahalaan ang iligal na droga bago ito umabot sa sitwasyong hindi na kayang bawasan, kundi man tuluyang mabura ito sa Pilipinas.

Ngunit, dapat mabatid ni Pangulong Duterte na hindi lamang iligal na droga ang suliranin ng Pilipinas.

Ang korapsyon at pandarambong ay parehong talamak din.

Ang pagnanakaw sa pera ng pamahalaan ay umiiral din sa napakaraming organo ng tatlong sangay ng pamahalaan.

Kahit na umaaksyon si Duterte laban sa korapsyon tulad ng ginawa niya sa Bureau of Customs (BoC) at Bureau of Immigration (BI), kitang-kita na hindi agresibo ang pagsugpo ng administrasyong Duterte laban sa korapsyon at pandarambong.

Hindi rin kasing tikas ng paglaban sa iligal na droga ang desisyon at aksyon ni Duterte laban sa kontraktuwalisasyon, kahirapan, iligal na sugal, at marami pang ibang suliranin na napabayaan ng nakalipas na administrasyong Aquino.

Sana, huwag tuluyang mapabayaan ni Duterte ang mga nabanggit naming suliranin ng Pilipinas, habang winawasak niya ang mga sangkot sa iligal na droga.

Tapat

Tapat

Studied Master of Public Administration. at UP Diliman Past: Philippine Christian University and Project 6 High School

You May Also Like