Ikatlong panalo puntirya ng  Blackwater, Cebuana Lhuillier

Maghihiwalay ng landas ang  Blackwater Sports at  Cebuana Lhuillier sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa Martes, Marso 26, sa San Juan Arena.

Parehong may dalawang panalo at isang talo ang Elite at Gems at ang mananalo sa larong ito ay mananatili sa pangalawang puwesto sa likod ng wala pang talong Fruitas Shakers (3-0).

story 2-ikatlong panalo cebuana lhuillier

Ang Cebuana Lhuillier ay galing sa maigting na panalo laban sa nagdedepensang kampeong NLEX, 71-64. Sa larong iyon ay naglikom ng 16 puntos at 11 rebounds si Gab Banal at nagdagdag naman ng 10 puntos si James Martinez kabilang ang isang importanteng tres sa huling minuto na laro na nagsiguro ng panalo para sa Gems.

Ang Blackwater Sports naman ay galing sa 95-91 double overtime na kabiguan kontra Fruitas.

Gumawa ng 22 puntos si Allan Mangahas at 19 puntos si Pari Llagas ngunit hindi ito naging sapat para mapanatili nito ang malinis na kartada.

Sa isa pang laro sa Martes ay susubukan ng NLEX Road Warriors na masungkit ang una nitong panalo sa tatlong laro sa pakikipagharap nito sa bagong koponang Hog’s Breath Cafe.

Ang Hog’s Breath naman ay may 1-2 kartada at galing sa tambakang kabiguan laban sa isa pang bagong koponang EA Regen Med, 83-58.

Magkakaroon naman ng Lenten Break ang liga at magbabalik sa Lunes, Abril 1, kung saan magsasagupa ang Big Chill at Cafe France, magtatapat ang EA Regen Med at Boracay Rum at magtutuos ang Cagayan Valley at Jumbo Plastic Linoleum.

You May Also Like