Ikasa na rin ang Kampanya Laban sa Korapsyon at Pandarambong

MARAMI nang ahensiya ng pamahalaan ang nagpahayag ng papel nito sa tuluyang pagwasak ng operasyon ng mga sindikato ng droga sa iba’t ibang panig ng bansa.
 
Ang pinabago ay ang Department of the Interior and Local Government (DILG) kung saan inanunsiyo ng bagong kalihim ng kagawaran na si Ismael “Mike” Sueno na muli niyang bubuhayin ang dalawang notoryus na vigilante groups noong huling bahagi ng dekada 80 at unang bahagi ng dekada 90 laban sa sindikato ng droga.
 
Ang aksiyon ng DILG ay dagdag sa gagawin ng Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at Philippine Security Group (PSG).
 
Matindi ang laban ng mga awtoridad sa droga, dahil ayon nga kay PNP chief, Director-General Ronald “Bato” dela Rosa: “Sasagaan ko kayo!”
 

 
Ngunit, paalala naming ang minsang idiniin ni Arsobispo Socrates Villegas na kung papatay man ang mga awtoridad ay tiyaking resulta ito ng pagtatanggol ng mga pulis sa sarili laban sa mga drug lords o sa ibang tao.
 
Hindi dapat iyong sinadya ang pagpatay tulad ng salvaging sa umano’y dalawang drug dealer sa Maynila nitong Linggo ng umaga.
 
Pero, habang lahatang-panig na isinusulong ng administrasyong Duterte ang laban sa droga ay dapat lamang na huwag nitong iwanan ang korapsiyon at pandarambong ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan, sapagkat ang dalawang ito ay talamak at laganap na mga suliranin ng bansa.
     
Ang korapsiyon at pandarambong ay kanser din ng lipunan, kaparis ng droga.
 
Napakalala at napakatindi rin ng suliranin ng bansa sa korapsyon at pandarambong tulad ng droga.
 
Kung ang droga ay ninanakaw at winawasak ang kinabukasan ng mamamayang Pilipino, ang korapsyon at pandarambong ay tahasang pagnanakaw sa perang pinaghirapan ng mamamayang Pilipino.
 
Ang pera ng pamahalaan ay para sa lahat ng mga Pilipino at hindi para sa iilang matatakaw na mga kapitalista.
 
Kaya, dapat pakinabangan ito ng higit 100 milyong mga Pilipino at hindi ng 100 pamilyang tuso pagdating saa pera at yaman ng bansa.

You May Also Like