Ikalawang panalo pakay ng Jumbo Giants

story 2 D-LeagueBaguhan lamang ang Jumbo Plastic Linoleum Giants sa PBA D-League ngunit sa Martes, Marso 19, ay pinupuntirya na nito ang ikalawang sunod na panalo sa liga.

Sa unang laro ng Giants ay tinambakan sila ng Fruitas Shakers, 56-81, ngunit agad namang bumawi ang koponang minamanduhan ni coach Steve Tiu noong Huwebes nang humataw ito ng 81-55 panalo kontra Hog’s Breath Café na isa ring baguhang koponan sa liga.

Sa layong iyon ay gumawa ng 17 puntos si Aljon Mariano at nag-ambag naman ng 13 puntos si Elliot Tan at 11 puntos si Marvin Hayes. Kontra Boracay Rum ay inaasahan ni Tiu na patuloy na maglalaro ng mahusay ang  tatlong ito lalung-lalo na si Mariano na umiskor din ng 15 puntos sa unang laban laban sa Fruitas.

Ang Boracay Rum Waves naman ay galing sa 95-85 panalo kontra Informatics College Icons. Ang Waves ay pinangunahan ni Roider Cabrera na umiskor ng 28 puntos kabilang ang 15 puntos mula sa three-point area. Gumawa rin ng tigalawang tres sina Jeff Viernes at Fhadzmir Bandayiing para tulungan si Cabrera na paulanan ng tres ng Boracay Rum ang Informatics.
Nagtapos si Viernes na may 14 puntos habang si Bandayiing naman ay may 10 sa laro.

May pagkakataon naman ang Informatics na makabawi ngayong Martes sa pagharap nito sa Café France.

Ang Informatics ay pangungunahan nina Nathaniel Matute, Moncrief Rogado, Marc Lester Benitez at Jeric Teng.
Makakatapat naman nila sa kabilang kampo sina Mon Alvin Abundo, Raymund Maconocido, Marion Magat at Michael Parala.

Galing ang Bakers sa 80-83 kabiguan laban sa Blackwater Sports.

You May Also Like