Ikaapat na puwesto paglalabanan ng Petron at Talk ‘N Text

story 1-PBA_PAGLALABANAN ng Petron Blaze at Talk ‘N Text ang ikaapat na puwesto sa pagtatapos ng elimination round ng Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup sa Miyerkules, Abril 17, sa Smart Araneta Coliseum sa Quezon City.

Parehong may pitong panalo at anim na talo ang Boosters at Tropang Texters na kasalukuyang magkasalo sa ikaapat na puwesto.

Ang mananalo sa kanilang sagupaan sa Miyerkules ay mananatili sa No. 4 spot, habang ang matatalo ay maaaring bumagsak mula No. 5 hanggang No.7 berth depende sa resulta ng laro sa pagitan ng Meralco at Rain or Shine.

Wala nang saysay para sa Elastopainters ang laban nila kontra Bolts dahil nakopo na ng Rain or Shine ang No. 2 slot papasok sa quarterfinal round.

Ang No. 1 at No. 2 teams kasi ay may twice-to-beat advantage sa quarterfinal round laban sa No. 8 at No. 7 teams. Ang No. 3 at No. 6 teams naman ay magtutuos sa isang best-of-three series gayundin ang No. 4 at No. 5 teams.

Sa pagitan ng Petron at Talk ‘N Text ay mas kinakailangang manalo ng Boosters kaysa sa Tropang Texters. Ito ay dahil mas mababa ang quotient points ng Petron kumpara sa Barangay Ginebra at Meralco Bolts sakaling magkaroon ng three-way tie para sa 5th place.

Magkakaroon ng triple tie sakaling manaig ang Meralco sa Rain or Shine sa Miyerkules. Kaya tiyak na magpupursige ang Petron na talunin ang Talk ‘N Text sa Miyerkules.

You May Also Like