Ikaapat na panalo target ng Blackwater Sports sa D-League

story 3-Ikaapat na panalo

Ang makuha ang ikaapat na panalo sa limang laro ang pakay ng Blackwater Sports sa pakikipagharap nito sa wala pang panalong Informatics College Martes ng hapon sa pagpapatuloy ng PBA D-League Foundation Cup sa San Juan Arena.

Ang tanging kabiguan na natamo ng Blackwater Sports sa torneyo ay kontra sa wala pang talong Fruitas Shakers sa double overtime (95-91) noong Marso 21.

Sa larong iyon ay umiskor ng 22 puntos si Allan Mangahas habang nag-ambag naman ng 19 puntos si Pari Llagas para sa Elite ngunit kinapos pa rin sila kontra Shakers na nakakuha naman ng mas maraming rebounds, 71-56.

Bumalikwas naman ang Elite sa sumunod na laro sa pagtala ng 87-80 panalo laban sa Cebuana Lhuillier noong Marso 26.
Bukod kina Mangahas at Llagas, sasandal din sa opensa si Blackwater Sports coach Leo Isaac kina Kevin Ferrer, Justin Chua at Robby Celiz konta Informatics.

Ang Informatics ay nakalasap ng tatlong dikit na kabiguan kontra Boracay Rum (85-93), Café France (77-84) at Cagayan Valley Rising Suns (56-98). At para makuha nito ang unang panalo sa torneyo ay umaasa si Informatics head coach Jonathan Reyes na makapaglalaro ng mahusay ang mga kamador niyang sina Nathaniel Matute, Moncrief Rogado, Cedric Ablaza at Jeric Teng.

Sa isa pang laro sa Martes ay magtutuos ang Cebuana Lhuillier (2-2) at Hog’s Breath Café (1-3).

You May Also Like