Ika-6 diretsong panalo pakay ng Rain or Shine

rain or shineTila desidido ang Rain or Shine na makabalik sa championship round ng Philippine Basketball Association (PBA).

Sa kasalukuyang PBA Commissioner’s Cup ay nakapagtala na ng limang diretsong panalo ang Elasto Painters para iangat ang kanilang kartada sa 5-1 at sa Miyerkules, Marso 13, ay susubukan ng Rain or Shine na matuhog ang ikaanim na panalo.

Ngunit hindi ito magiging madali para sa  2012 Governors Cup champion dahil makakasagupa ng koponang minamanduhan ni coach Yeng Guiao ang Talk ‘N Text ni coach Norman Black.

Bagaman hindi maganda ang simula ng Tropang Texters ay kinukunsidera pa ring paborito at hindi maaaring balewalain ang reigning Philippine Cup champion.

Nitong Sabado, sa out-of-town game ng liga sa Legazpi City ay dinaig ng Talk ‘N Text ang Barako Bull, 101-98, para iangat ang baraha nito sa 3-3. Sa larong ito ay pinangunahan ni Rabeh Al-Hussaini ang Tropang Texters sa kanyang iniskor na 19 puntos habang sinuportahan naman siya nina Larry Fonacier at Jason Castro na kapwa umirit ng tig-18 puntos.

Inaasahan ni coach Black na patuloy na maglaro ng mahusay ang tatlong ito sa Miyerkules kasabay nina Jimmy Alapag at Ranidel de Ocampo. Gayunman, umaasa si Black na manunumbalik sa Miyerkules ang laro ng import nitong si Donnel Harvey na kumana lamang ng walong puntos noong Sabado.

Kung nahirapan si Harvey na umiskor laban sa Barako Bull, lalong mas mahihirapan siya kontra Rain or Shine na kilala sa matinding depensa.

Makakatapat ni Harvey ang 7-foot-3 import ng Elasto Painters na si Bruno Sundov.

Sa huling laban ng Rain or Shine nitong Biernes ay dinaig nito ang GlobalPort, 103-95. Sa larong iyon ay humakot ng 17 puntos at 16 rebounds si Sundov habang si Chris Tiu ay humirit ng career-high 16 points kabilang ang 10  puntos sa fourth quarter.

Bilang pantapat ni coach Guiao sa matinding local line-up ni Black ay aasa rin siya sa mga players niyang sina Jervy Cruz, Gabe Norwood, Jireh Ibanez, JR Quinahan at Paul Lee.

Sa isa pang laro sa Miyerkules ay magsasagupa ang Barako Bull at Meralco Bolts.

Puntirya ng Barako Bull na maputol na ang kanilang 3-game losing skid habang nais namang palawigin ng Meralco sa tatlo ang kasalukuyang winning streak nito.

You May Also Like